LUMIPAD patungong Dubai si Tokyo Olympian Eumir Marcial noong Sabado upang lumahok sa Asian Elite Boxing Championships kung saan plano niyang ipagpatuloy ang kanyang paghahanda para sa XXXII Palaro ng Olimpiyada na nakatakdang ganapin sa Tokyo dalawang buwan mula ngayon.
Ang torneo sa Dubai, na nakatakdang magsimula ngayong araw ay huling yugto ng kanyang paghahanda sa layong mahandugan ang Pilipinas ng kauna-unahang gintong medalya mula sa tuwing ika-apat na taong pagtitipon ng pinakamahuhusay na atleta sa daigdig.
Dala ng 25 anyos na Zamboangueño papuntang Dubai ang halos pitong buwang paghahanda niya sa WildCard Gym sa Los Angeles sa ilalim ng pamamahala ng Hall of Fame trainer Freddie Roach at kanyang training staff na sina conditioning guru Justin Fortune at Pilipinong katuwang na si Marvin Somodio.
Bagama’t itinuturing ng Airman ng Philippine Air Force na si Marcial na napakalaking tulong sa kanyang paghahanda ang karanasang nakamit niya sa Wild Card camp, patuloy naman itong minamaliit ng mga opisyal ng Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP).
Ayon sa ABAP, dahil sa paghahanda ni Marcial sa ilalim ng pagkakandili ni Roach, namimiligro ang kanyang pangarap na makapag-uwi ng gintong medalya sa dahilang ang pitong beses na “Trainer of the Year” ay isang trainer ng mga propesyonal at samakatuwid ay walang alam sa Olympic-style ng amateur boxing.
Kalokohan!
Marahil ay hindi alam ng ABAP, si Roach ay hindi lamang lumaban bilang isang amateur noong panahong boksingero pa siya. Nagkaroon din siya ng pagkakataong makapag-train sa ranggo ng amatyur.
Katunayan, para sa kaalaman ng mga kung tawagin ko’y “ignoramus,” si Roach ay nahirang na consultant sa U.S. boxing team noong 2012 Games of the Olympiad sa London at Rio de Janeiro Summer Games noong 2016.
Makaraang matanggap ang kanyang appointment bilang consultant, agad binuksan ni Roach ang kanyang Wild Card sa Hollywood para magamit ng lahat ng miyembro ng men’s and women’s team ng Amerika sa kanilang pag-eensayo. Ito ay bukod sa pagbibigay ng oras sa mga pinaka-mahuhusay nang miyembro ng team na may malaking tsansang manalo ng medalya.
Bago dumating ang 2012 London, ang U.S. ay huling nanalo ng Olympic gold noong 2004 sa kagandahang loob ni ngayon ay pro nang si Andre Ward, ang kasalukuyang kampeong super-middleweight mula Oakland.
At sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng nakaraang walong taon, ang lupain ng asukal at pulot-gata ay nakapag-uwi ng gintong medalya sa katauhan ni women ‘s middleweight Claressa Shields.
Matagumpay na nai-depensa ni Shields ang kanyang korona sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro para makuha ang karangalang kauna-unahang boksingerong Amerikano na manalo ng back-to-back Olympic gold medal.
Salamat kay Freddie Roach, ang taong sa paniniwala ng ABAP ay walang magagawa sa katuparan ng pangarap ni Marcial at ng mga kababayan na maputol ang 96 ton na nating pinapangarap na Olympic gold medal!
“Part of the U.S. team’s problems in its medal-less skid has been inconsistent teaching, with the amateurs’ personal coaches being denied from participating in Olympic coaching in Colorado Springs,” paliwanag ni coach Freddie sa kolumnistang ito makaraan ang Rio Games.
Sa walong taong naging consultant siya ng U.S. boxing team, binuksan ni Roach ang Wild Card sa lahat ng personal coach.
“My strongest feature is I can get to these people, I’m going to make them part of the team and make them understand what I’m teaching is correct. It will make them better coaches down the line,” dugtong niya.
Si Roach ay nakapag-train na ng 17 world champions kabilang ang mga ex-Olympian na sina Amir Khan, Pilipinong si Brian Viloria, at Virgil Hill.
233 