NANINIWALA ang isang miyembro ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pang-loyalty check ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa local executives ang Memorandum Circular (MC) No. 52 o pagsama sa Bagong Pilipinas hymn sa kanilang lingguhang flag ceremony.
Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, hindi kasama ang Local Government Units (LGUs) sa mga inoobligang sumunod sa nasabing MC kundi hinihikayat lamang ang mga ito na tumalima.
“Ine-encourage lang ang mga LGUs (na sumunod). Ano ba ‘to, checking? Tsinesek ba niya kung sino kaya sa mga LGU ang susunod dito sa MC No. 52,” pahayag ni Castro.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maraming LGU ang hindi miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas ni Marcos.
Sa ilalim ng MC, tanging executive departments kasama na ang mga Government Owned and Controlled Corporation (GOCCs) at mga State Universities and Colleges (SUCs) ang inobligang sumunod.
Hindi rin kasama ang estudyante sa basic education maliban sa mga guro at mga empleyado ng ahensya.
Dismayado naman si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kay DepEd Secretary Sara Duterte dahil “no comment” ang sagot nito sa MC No. 52 ni Marcos.
“Bakit “no comment” eh ipapa-recite sa DepEd employees ang Bagong Brainwashing Modus na iyan? The least she can do is give a comment,” ani Manuel. (BERNARD TAGUINOD)
