CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI simpleng pagbabago ng mga porsyento ang nakaraang survey tungkol sa kahirapan kundi kwento ng milyun-milyong sikmura na kumakalam at mga pamilyang patuloy na iginagapang ang araw-araw na pamumuhay.
Sa huling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa noong Hulyo 4 hanggang Hulyo 11, lumabas na tumaas sa 39% ang self-rated poverty sa bansa mula sa 35% noong Marso 2026.
Ang apat na porsyentong itinaas na ito ay nangangahulugan ng mahigit isang milyong pamilyang Pilipino ang nadagdag sa hanay ng mga itinuturing ang sarili bilang mahirap. Mula 9.2 milyong pamilya noong Marso, lumobo ito sa 10.3 milyong pamilya nitong Hulyo.
Kasabay nito, umakyat din sa 5.6 milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng gutom, kumpara sa 4.5 milyon noong unang bahagi ng taon. Bagama’t karamihan ay nagsabing hindi naman ito madalas mangyari, hindi pa rin natin pwedeng ipagwalang-bahala na mayroong 1.1 milyong pamilyang nadagdag sa listahan ng mga hindi nakakakain nang tama.
Bahagya mang bumaba ang bilang ng mga pamilyang kinulang sa pagkain—mula 8.1 milyon patungong 7.4 milyon—ang bahagyang pag-usad na ito ay agad ding natatakpan ng mas malaking tanong kung sapat ba ang panandaliang ginhawa kung mas marami naman ang tuluyang nalulubog sa kahirapan?
Ipinakikita rin ng datos ng OCTA ang malalim na rehiyonal na agwat sa ating bansa. Sa Mindanao ay napanatili ang pwesto bilang rehiyon na may pinakamaraming nagsabing sila ay mahirap. Isa itong malinaw na patunay ng matagal nang suliranin sa limitadong oportunidad sa kabuhayan at pag-unlad sa timog.
Habang sa Balance Luzon: Dito naman naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nakaranas ng gutom—isang senyales na maging ang mga karatig-lalawigan ng kabisera ay hindi ligtas sa mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin at kakulangan sa trabaho.
Ang survey na ito, na kinabibilangan ng 1,200 respondents (na may ±3% margin of error sa 95% confidence level), ay isang malakas na panggising sa pamahalaan.
Hindi sapat ang mga panandaliang pondo, cash ayuda, o relief goods upang sugpuin ang ganitong kalawak na problema. Ang kailangan ng mamamayan ay konkretong solusyon:
Oportunidad sa pangkabuhayan na nagbibigay ng sapat na kita upang makasabay sa mahal na bilihin, seryosong pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan, lalo na ang pagkain, at sapat na suporta sa mga lokal na magsasaka upang maiwasan ang shortage at mapababa ang presyo ng bilihin sa buong bansa.
Hangga’t nananatiling numero lamang ang pagtingin ng pamahalaan sa mga ulat tulad ng sa OCTA, patuloy na darami ang mga pamilyang Pilipino na maiiwan sa laylayan. Oras na upang palitan ang mga pampulitikang pangako ng mga konkretong aksyon na tunay na mararamdaman sa hapag-kainan ng bawat pamilya.
80 