NLEX, MMDA SANIB-PWERSA LABAN SA PAGBAHA

NAGTULUNGAN ang North Luzon Expressway (NLEX) at Metro Manila Development Authority (MMDA) upang tugunan ang pagbaha sa pangunahing lansangan patungong Hilagang Luzon.

Sa pahayag ng NLEX nitong Linggo, Setyembre 6, sinabi ng kumpanya na naglagay ito ng mga harang at nagsagawa ng sandbagging sa mga bahaging apektado ng baha bago pa man dumating ang malakas na pag-ulan dulot ng habagat.

Pinalakas pa ang mga hakbang nang umapaw ang mga ilog sa paligid ng expressway.

Naglaan din ang NLEX ng karagdagang heavy-duty pumping equipment sa pamamagitan ng pagrenta ng mga karagdagang pump matapos lumampas sa kapasidad ng sariling kagamitan ng kumpanya ang lawak ng pagbaha.

Nagsagawa rin ng shoulder impounding at lining sa San Simon at Tulaoc upang mapigil at mailihis ang tubig palayo sa mga aktibong linya ng trapiko.

Patuloy naman ang traffic management operations ng NLEX, kabilang ang paghahanda ng mga diversion area at pagbibigay ng mga abiso sa mga motorista.

Naka-preposition din ang mga response crew sa Meycauayan, Paso de Blas, San Fernando at Balintawak upang agad na makaresponde sa mga insidente.

Kasabay nito, patuloy ang koordinasyon ng mga field personnel ng NLEX sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), Toll Regulatory Board, Northern Luzon Command, Philippine Coast Guard at mga lokal na pamahalaan sa Pampanga.

Samantala, nagdeploy rin ang MMDA ng mga kagamitan at tauhan sa labas ng Metro Manila, partikular sa San Simon at Tulaoc sa Pampanga, upang tumulong sa mga tauhan ng NLEX sa panahon at matapos ang pagbaha na nagsimula noong Agosto 29, 2026.

Kabilang sa mga ipinadalang kagamitan ng MMDA ang mga mobile pumping unit, L-type at modular flood barrier, dump truck at mga field personnel.

Sinabi ng MMDA na nananatili sa lugar ang mga kagamitan habang nagpapatuloy ang pagtutulungan ng dalawang ahensya.

Ang dating pansamantalang deployment ay ginawa nang regular na bahagi ng koordinasyon at pagtugon ng NLEX at MMDA sa pagbaha sa naturang bahagi ng expressway.

126

Related posts

Leave a Comment