LIBO-LIBONG SUNDALO SA BARMM POLLS HINDI MILITARISASYON – AFP

NILINAW kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi militarisasyon ang nangyayari ngayon sa Mindanao sa kabila ng pagde-deploy ng libo-libong sundalo kaugnay ng nakatakdang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary election.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, walang katotohanan ang ulat na may nagaganap na militarisasyon sa BARMM.

Sinabi ni Padilla na ang pagde-deploy ng mga puwersa sa lugar ay bahagi lamang ng election support ng AFP sa Commission on Elections (COMELEC) at Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang pagsasagawa ng BARMM parliamentary election.

Ayon naman kay Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, nasa 11,900 sundalo at miyembro ng Civilian Armed Auxiliary mula sa 1st, 6th at 11th Infantry Divisions ang idineploy ng Philippine Army simula Setyembre 6, 2026.

Bukod pa ito sa walong infantry battalions na nauna nang idineploy upang magsagawa ng election security operations sa rehiyon, ani Dema-ala.

“Ang inyong Hukbong Katihan ay kaisa ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ng buong pamahalaan upang masiguro na ang mga mamamayan ng BARMM ay makahalal ng kanilang susunod na mga pinuno nang walang anumang pangamba sa kanilang buhay at seguridad,” dagdag ni Dema-ala.

(JESSE RUIZ)

89

Related posts

Leave a Comment