BUO ang pag-asa at tiwala ng small-scale miners at ng kanilang pamilya na magpapaabot ng agarang tulong at proteksyon sa kanilang kabuhayan si Quezon Governor Helen Tan at 3rd District Representative Reynan Arrogancia kasunod ng kamakailang operasyon ng mga awtoridad sa dalawang mining site sa bayan ng Buenavista.
Sa kabila ng pangamba sa pansamantalang pagpapatigil sa mga minahan sa Sitio Mina, Barangay Bulo, nagkaisa ang mga minero at ang kanilang mga asawa na lumapit sa pamahalaang panlalawigan.
Malaki ang tiwala ng komunidad na hindi sila pababayaan ng mga lokal na pinuno na kilala sa mabilis at pusong-mamamayang pagresponde sa pangangailangan ng mamamayan.
Ayon sa pamilya ng mga minero, madaling lapitan at laging handang tumulong sina Gov. Tan at Rep. Arrogancia lalo na sa usaping pampamilya, kalusugan, at pangkalahatang kapakanan.
Dahil dito, naniniwala silang mahahanapan ng pamahalaan ng angkop at legal na solusyon ang kanilang sitwasyon upang muli silang makapagtrabaho nang maayos.
Binigyang-diin ng mga pamilya na ang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan ang magiging susi upang maisaayos ang kanilang sistema ng pagmimina, matulungang makakumpleto sa mga legal na kinakailangan tulad ng Minahang Bayan, at magkaroon ng tuloy-tuloy na suportang pangkabuhayan habang gumugulong ang proseso.
Sa pamamagitan ng inaasahang pakikipagtuwang ng mga minero sa pamahalaan at sa pamumuno ni Gov. Helen Tan, nagpapatuloy ang positibong pananaw ng komunidad na magkakaroon ng maayos, patas, at legal na kabuhayan para sa tinatayang 500 manggagawa at sa kanilang mga pamilya sa Buenavista.
(NILOU DEL CARMEN)
79 