EBIDENSYA, HINDI PARATANG ANG DAPAT MANAIG – ALBAY GOVERNOR NOEL ROSAL

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng kumakalat na mga alegasyon tungkol sa umano’y pagkakasangkot ni Albay Governor Noel Rosal sa jueteng at iba pang ilegal na pagsusugal, isang bagay ang dapat maging malinaw: ang paratang ay hindi katumbas ng pagkakasala.

Mariing itinanggi ni Rosal ang anomang pagkakasangkot, partisipasyon, kaalaman o koneksyon sa illegal gambling sa Albay o saan mang lugar.

Mahalagang pakinggan ang kanyang panig, lalo na’t ang isang pampublikong opisyal ay hindi dapat basta husgahan batay lamang sa mga pahayag na wala pang napatutunayang katotohanan.

Hindi rin maituturing na kapalit ng ebidensya ang mga akusasyong inihaharap sa publiko. Sa usaping ganito kaseryoso, kinakailangan ang konkretong patunay at hindi lamang mga salita.

Kung may tunay na ebidensya laban kay Gobernador Rosal, nararapat lamang itong iharap sa tamang mga awtoridad at isailalim sa legal na proseso.

Sa kabilang banda, kung walang sapat na ebidensya, hindi makatarungang sirain ang reputasyon ng isang tao sa pamamagitan lamang ng mga alegasyong paulit-ulit na ipinakakalat.

Ang due process ay hindi dapat isantabi dahil lamang sa ingay ng social media o sa bigat ng mga paratang.

Sa halip na palitan ng akusasyon at pagtuturo ang isa’t isa, mas makabubuting hayaan ang mga awtoridad na magsagawa ng patas at masusing imbestigasyon.

Maging ang sinomang naglalabas ng alegasyon ay dapat maging handang magsumite ng ebidensya upang mapatunayan ang kanilang mga sinasabi.

Kung may paglabag sa batas, walang sinoman—opisyal man o pribadong indibidwal—ang dapat maging ligtas sa pananagutan.

Ngunit kasabay nito, hindi rin dapat maging instrumento ang isang alegasyon upang agad na mahatulan ang isang tao kahit wala pang pinal na findings o desisyon mula sa kinauukulang institusyon.

Sa puntong ito, makatuwiran ang panawagan ni Rosal na manaig ang ebidensya, katotohanan at due process kaysa mga sabi-sabi.

Bilang gobernador, may karapatan siyang ipagtanggol ang kanyang pangalan at linawin sa publiko ang kanyang panig laban sa mga alegasyong aniya’y walang sapat na batayan.

Aba’y masasabi na sa huli, hindi dapat ang pinakamalakas na boses ang manaig kundi ang katotohanang mapatutunayan.

Kung malinis ang isang opisyal, ang patas na imbestigasyon ang pinakamainam na paraan upang malinaw na maipakita ito.

At kung may pananagutan naman, dapat itong harapin sa ilalim ng batas.

83

Related posts

Leave a Comment