DAPAT BANG MAHARLIKA IPALIT NA PANGALAN SA PILIPINAS?

On the Level ni JUNEX DORONIO

PAANO kung isang araw ay hindi na “Pilipinas” ang nakasulat sa ating pasaporte?

Paano kung sa halip na Republic of the Philippines, ang mababasa natin ay Republic of Maharlika? O kaya’y Republika ng Malaya?

Hindi ito simpleng pagpapalit ng pangalan sa isang dokumento.

Ang pagpapalit ng pangalan ng isang bansa ay parang pagtatangkang palitan ang pangalan ng isang taong ilang siglo nang kilala ng buong mundo.

May kasaysayan, emosyon, identidad at napakalaking gastusin itong kaakibat.

Pero hindi masamang pag-usapan.

Ang pangalang “Pilipinas” ay nagmula sa pangalan ni Haring Felipe II ng Spain.

Sa madaling salita, ang pangalan ng ating bansa ay ipinangalan sa isang monarkiyang Espanyol.

Kaya naman may mga Pilipinong nagtatanong: Hindi ba panahon nang magkaroon tayo ng pangalang tunay na nagmumula sa ating sariling kasaysayan at pagkakakilanlan?

Isa sa mga pangalang maaaring pag-usapan ay Maharlika.

Malakas ang tunog nito. Marangal. Madaling bigkasin. At may pre colonial Filipino resonance.

“Republic of Maharlika” — may dating na parang bansang may sariling pagkatao at hindi basta bakas ng kolonyal na nakaraan.

Pero rito rin nagsisimula ang debate.

Ang Maharlika ay may sariling historical baggage.

Hindi rin ito salitang maaaring basta-basta angkinin bilang eksaktong pangalan ng sinaunang Pilipinas.

Kaya kung gagamitin ito, kailangang malinaw ang historical basis at hindi ito dapat maging produkto lamang ng political branding.

“Republika ng Kapuluan.”

Walang Luzon bias. Walang Visayas bias. Walang Mindanao bias.

Ang mismong heyograpiya ng bansa ang pinanggagalingan ng pangalan.

Isa itong pagkakakilanlang nakaugat sa katotohanang tayo ay isang bansang binubuo ng napakaraming pulo.

Maaari ring isaalang-alang ang Luzviminda, mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Maganda ang mensahe nito: tatlong pangunahing bahagi, isang bansa.

Ngunit medyo mahaba at maaaring maging awkward bilang opisyal na pangalan ng isang estado.

At paano naman ang Malaya?

Napakaganda ng kahulugan nito—kalayaan.

Ngunit may problema: may historical at regional usage na ang salitang Malaya, tulad ng Malaysia, kaya maaari itong lumikha ng kalituhan sa international setting.

Sa huli, hindi naman talaga pangalan ang pinakamalaking problema ng Pilipinas.

Kahit tawagin pa tayong Maharlika, Kapuluan o Pilipinas, mananatiling mahalaga ang tanong: Ano ang ginagawa natin para maging karapat-dapat sa pangalan ng ating bansa?

Ang tunay na pagbabago ay hindi nagsisimula sa pasaporte.

Nagsisimula ito sa pamahalaang hindi magnanakaw, sa lider na hindi sinungaling, sa institusyong hindi nabibili, sa mamamayang hindi madaling lokohin, at sa bansang nagbibigay ng disenteng buhay sa ordinaryong Pilipino.

Kung darating ang araw na papalitan natin ang pangalan ng Pilipinas, sana hindi ito simpleng pagpapalit ng label.

Sana, kasabay nito, mapalitan din ang lumang sistema.

Hindi rin dapat minamadali ang ganitong hakbang.

Kailangang dumaan ito sa konsultasyon, pag-aaral ng kasaysayan, debate sa Kongreso, at higit sa lahat, pagpayag ng mamamayan.

Ang pangalan ng bansa ay hindi pag-aari ng pangulo, partido, o henerasyon.

Ito ay pamana ng Pilipino at pananagutan sa susunod na salinlahi.

Dahil kahit gaano kaganda ang pangalan ng isang bansa, walang saysay ang bagong pangalan kung pareho pa rin ang lumang sakit.

120

Related posts

Leave a Comment