“KUNG totoong wala na siyang tiwala sa kanyang security pwede niyang hilingin na i-withdraw na ito.”
Ito ang naging posisyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro hinggil sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na may banta sa kanyang buhay simula noong taong 2024 at sa umano’y pahayag ng bise presidente na wala siyang tiwala sa kanyang security.
Ayon kay Sec. Teodoro, kung totoong nasabi niya (VPSD) na wala na siyang tiwala sa kanyang security ay pwede na niyang i-request na i-withdraw ito dahil ang pagbibigay ng security ay pribilehiyo at hindi karapatan.
“Anytime na i-request niya ay iwi-withdraw ito,” ani Teodoro kaugnay sa mga sundalong naka-detail bilang security ng bise presidente.
Nilinaw ng kalihim, sa tingin niya ang mga mga sundalo ay trained professionals. “Kahit sino naman sa tungkulin, sa tungkulin naman iyan tumitingin hindi sa personal,” ani Teodoro.
Ganito rin ang naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.
Ayon kay Col. Padilla, propesyunal ang mga sundalo, hindi sila tumitingin sa tao o partido. Gagawin nila kung ano ang kanilang tungkulin o inatang sa kanila.
Nilinaw rin ni Padilla na kanilang bina-validate ang naging pahayag ng bise presidente na may banta sa kanyang buhay simula pa noong 2024.
“The Armed Forces of the Philippines (AFP) takes all security concerns seriously. ”
Ayon sa inilabas na pahayag ng AFP, “The security of the Vice President is continuously assessed by the appropriate security units, in coordination with concerned agencies, and necessary adjustments will be made based on validated information and the prevailing threat assessment.”
Pero nilinaw ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na “For operational security, the AFP will not disclose specific details regarding security arrangements or threat assessments.”
Hindi naman naglabas ng kumpirmasyon o pagtangi ang pamunuan ng AFP sa ipinakalat na screenshot na umano’y nagmula kay VP Sara hinggil sa kanilang convo ni dating AFP chief of Staff Gen. Romeo Brawner na nakikiusap na huwag madamay ang kanyang ina at mga anak.
“Dahil ang aking seguridad ay nakaugnay sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas alinsunod sa constitutional line of succession, minabuti kong ipaalam sa dating Chief of Staff Gen. Romeo Brawner ang ilang mahahalagang pakiusap. Higit sa lahat, hiniling ko na igalang at protektahan ang aking ina at mga anak, at huwag silang idamay o takutin sa kahit anomang gagawin sa akin,” ayon sa nasabing social media post.
(JESSE RUIZ)
100 