CLICKBAIT ni JO BARLIZO
AGREE ako sa punto ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon: napakaraming salita at bangayan sa bansa, samantalang naghihintay ang taumbayan ng konkretong resulta mula sa pamahalaan.
Sa joint press briefing ng DPWH at Department of Transportation (DOTr) nitong Martes, Oktubre 27, bago bumalik bilang kalihim ng DOTr, sinabi ni Dizon: “In this country, the problem is so much talk.” Aniya, sa halip na kumilos, madalas ay nauuwi ang mga usapin sa dakdakan, banatan at bangayan.
Habang abala ang mga opisyal sa pagtuturuan at palitan ng maaanghang na salita, naghihintay ang publiko sa mga serbisyong dapat nitong matanggap. Ang mga kalsadang kailangang ayusin, proyektong dapat tapusin at pondong dapat gamitin nang wasto ay hindi dapat maisantabi dahil sa mga alitan sa pamahalaan. Ito’y dahil taumbayan ang nagdurusa sa pagkaantala ng mga solusyon sa kanilang mga problema.
Hindi naman nangangahulugang dapat balewalain ang mga akusasyong kinahaharap ng ilang opisyal. Ang mga alegasyon ng katiwalian o maling paggamit ng pondo ay kailangang imbestigahan nang patas at masinsinan, at dapat panagutin ang sinomang mapatunayang lumabag sa batas. Gayunman, hindi dapat maubos ang atensyon ng pamahalaan sa mga kontrobersiya habang napapabayaan ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo. Magkasabay na dapat isulong ang pananagutan at konkretong pagkilos para sa mamamayan.
Mahalaga rin ang binigyang-diin ni Dizon tungkol sa pagbuo ng mga sistemang magtitiyak na magtatagal ang mga reporma. Sa paglipat niya sa DOTr, haharapin ng bagong kalihim ng DPWH na si Atty. Giovanni “Banoy” Lopez ang hamong ipagpatuloy ang mga pagbabago at ayusin ang mga problemang matagal nang bumabagabag sa ahensiya.
Hindi sapat ang pagpapalit ng mga pinuno kung mananatili ang mga sistemang nagpapahintulot sa katiwalian, pag-aaksaya at pagkaantala ng mga proyekto. Kailangan ang malinaw na pamantayan sa pagganap, regular na pag-uulat ng progreso at mahigpit na pagsubaybay upang matiyak na nagagamit nang wasto ang pondo ng bayan at naihahatid ang mga ipinangakong serbisyo.
Makabuluhan ang panawagan ni Dizon na “Let’s just get it done.” Hindi ito nangangahulugang isantabi ang pagsusuri at pananagutan, kundi tiyaking hindi nauuwi sa walang katapusang pagtatalo ang pamamahala. Dapat may kasunod na konkretong pagkilos ang mga pangako at malinaw na pakinabang sa publiko ang mga programang ipinatutupad.
Sukatin natin ang mahusay na pamumuno sa kakayahang lutasin ang mga problema at pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan. Maaaring magpatuloy ang mga pagtatalo sa pulitika, ngunit hindi dapat maging kapalit ng mga ito ang serbisyong matagal nang hinihintay ng taumbayan.
50 