MALAMIG ANG MGA BOTANTE SA MGA PARTY-LIST

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

HINDI ko masisisi ang mga botante kung bakit malamig sila sa mga party-list organization, hindi lamang sa panahon ng kampanya kundi maging sa araw ng botohan dahil maraming party-list congressmen ang NPC as in Non-Performing Congressmen.

Noong 2022 presidential election, sa 55.5 million Filipino na bumoto mula sa 67.4 million registered voters, tinatayang humigit kumulang lang na 30 million ang bumoto sa party-list congressmen.

Pinaghati-hatian ng 64 party-list congressmen na nanalo noong 2022 election, ang mga botong ‘yan. Ibig sabihin lang nito, marami ang hindi bumoboto sa party-list organizations na isang indikasyon na malamig ang mga botante sa sectoral organizations na ito.

Nationwide at worldwide dahil sa absentee voting, ang pagboto sa party-list organizations, hindi tulad ng district congressmen na sa isang distrito lang sila kumukuha ng boto kaya mas magastos ang pagtakbo sa party-list kumpara sa district.

Pero marami pa rin ang hindi bumoboto sa party-list. Sabi nila, tinatamad na ang mga tao na bumoto dahil nasa likod ng balota ang mga tumatakbo sa party-list at marami ang hindi alam na dapat isa lang ang ibinoboto dahil kapag higit sa isa, invalid ang boto as in hindi na bibilangin.

Ang totoo, nadadala ang mga botante sa mga party-list dahil tulad ng mga senador, saka lang sila nagpaparamdam sa mga tao kapag panahon ng kampanya pero kapag nananalo na, nagkakalimutan na.

Sabi nga ng isang local politician na nakausap ko, may tinulungan siyang party-list pero noong manalo hindi na bumalik at hindi na tinupad ang pangako na tutulungan ang mga kababayan ng politiko.

Muling tatakbo ang party-list organization na ito kaya muling hiningi ang tulong ng local politician ng kanilang kinatawan sa Kongreso, pero hindi na nito hinarap dahil kahit isang lata ng sardinas noong panahon ng kalamidad ay hindi nagbaba si party-list congressman.

Ganyan nasisira ang party-list organizations kaya malamig sa kanila ang mga botante bukod sa mas marami sa kanila ang napapanisan ng laway sa Kongreso dahil hindi mo sila maririnig na ipinagtatanggol ang sektor na kanilang kinakatawan kuno sa Kamara. Nanonood lang sila!

Lahat na yata ng sektor ay may kinatawan sa Kamara pero karamihan sa kanila ay hindi talaga mula sa sektor na kanilang kinakatawan dahil marami sa kanila ay mayayaman at ginagamit lang ang marginalize group para sila magkaroon ng kapangyarihan tulad ng kapangyarihan ng district congressmen.

Saan ka nakakita ng isang party-list congressman na daan-daang milyon ang assets? ‘Yung iba bilyonaryo pa nga eh. Saan ka nakakita ng multi-millionaire na marginalize? Sa Pilipinas lamang ‘yan!

Dapat ang party-list congressman ay mula sa sektor ng kanyang kinakatawan, kung manggagawa ang sektor dapat obrero siya hindi boss, hindi may-ari ng negosyo, para makagawa ng batas para sa kanyang sektor dahil alam niya ang tunay na kalagayan ng kanyang mga kauri.

28

Related posts

Leave a Comment