KUNG ang sambayanang Pilipino ang tatanungin kung bakit bumagsak ang Sta. Maria-Cabagan Bridge, sa Isabela, iisa lang ang kanilang sasabihin, mahina ang pagkakagawa nito.
Sa laki at haba ng tulay na ito, dinaanan lang ng malaking truck bumagsak na, paano pa kaya kung nagkasabay-sabay ang tatlong malalaking truck na dumaan dito? Malamang sabay-sabay din silang babagsak.
Siyempre kung bumagsak ‘yan, ibig sabihin tinipid ang paggawa kaya mahinang klase ito na naging dahilan ng pagbigay nito.
Madaling matutukoy ‘yan kung bakit mahina ang pagkakagawa, tumbukin agad ang kontraktor at dapat may managot sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hindi dapat pinalalagpas ang ganitong mga insidente, buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay rito.
Base sa nakuha nating impormasyon, ang tulay ay may budget na nagkakahalaga ng 1.2 bilyong piso.
Sa ganyang kalaking budget, isang malaking truck lang ang dadaan babagsak na, mahiya naman kayo, kontraktor at DPWH Isabela.
Magkano ba ang ginastos niyo sa paggawa ng tulay na ‘yan, bakit ganun kahina?
Nasa dalawang taon pa lang natapos ang pagkakagawa ng tulay at isang malaking truck pa lang ang dumaan, bagsak agad?
Naalala ko tuloy ang mga aspalto na itinatapal sa mga kalsada sa Metro Manila, wala pang dalawang taon ang nakalilipas ay nababakbak na ang mga ito.
Baka ganito rin ang pagkakagawa sa Sta. Maria-Cabagan Bridge na pagkatapos ng dalawang taon ay bibigay na para muli nilang ipagagawa. Ganun ba ‘yun, mga bossing?
Siyempre panibagong kontrata, panibagong budget ‘yan, ibang klase talaga ang ating ilang kababayan, hindi iniisip ang perwisyo na idudulot nila sa kapwa nating Pinoy na madidisgrasya sa kanilang pinaggagawa.
Ngayon, papasok daw ang Senado sa isyung ito, sana hindi sa pamumulitika ang kanilang gagawing imbestigasyon, tiyakin nila na may mananagot.
Sawa na kasi ang mga Pilipino sa imbestigasyon na wala namang nananagot sa mga nagkasala.
Si Senate Minority Leader Koko Pimentel ay nag-file ng Senate Resolution 1319 para magsagawa ng imbestigasyon sa pagbagsak ng tulay na ‘yan.
Ayon naman kay dating Congresswoman Sarah Elago, hindi lang ang gobyerno ang ninanakawan ng mga politiko sa pagkuha ng 30% kickback sa mga infrastructure project kundi ang mamamayan lalo na ang mahihirap na kailangan ng serbisyo.
Ang nabanggit na tulay ay kabubukas lamang noong nakaraang Pebrero 1, na ang konstruksyon ay umabot ng sampung taon (10) at bumagsak nitong Pebrero 27, 2025 lamang.
Sadyang mahina talaga ang pagkakagawa nito, kaya dapat magisa ang kontraktor at ang DPWH Isabela.
Hindi rin naniniwala ang PUNA na 30% lang ang nakukuha ng kontraktor sa kabuuang budget ng proyekto na tulad nitong tulay at ang natitira raw para sa proyekto ay 70%.
Baka nangyari riyan ay 50% 50%, kalahati sa proyekto, kalahati sa kontraktor kaya kinalabasan ay mahina ang pagkakagawa ng tulay kaya bumagsak sa pagdaan ng malaking truck.
Sa espalto kapag tinipid ang pagkakagawa, magkakaroon lang ng lubak ang kalsada pagkalipas ng isang taon, pero ang tulay ‘pag tinipid ay babagsak at may masasaktan o pwede pang ikamatay ng mga dumaraan.
Hindi maitatago ang korupsyon sa proyektong katulad sa paggawa ng tulay dahil ‘pag bumagsak ito, malalaman na mahina ang pagkakagawa nito at malalaman na tinipid ito kontraktor.
Babantayan natin ang isyung ito, hindi tayo papayag na walang maparurusahan dito.
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
