MANILENYO PWEDENG MAMILI NG BAKUNA

INIHAYAG ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may kalayaan ang mga Manilenyo na pumili ng COVID-19 vaccine na nais nilang maiturok sa kanilang katawan.

Kasunod ito ng kautusan ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) na huwag nang ianunsiyo ang brand ng mga bakuna na gagamitin sa kanilang vaccination sites upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.

Ayon sa alkalde, tatalima ang Manila City government sa naturang direktiba ng DOH at DILG at hindi iaanunsiyo ang mga brand ng bakuna na ide-deploy nila sa vaccinations sites.

Gayunman, sinabi nito na maaari pa rin namang magtanong ang mga residente sa healthcare workers sa pupuntahang vaccination site kung anong brand ng bakuna ang available doon.

Paniniguro pa ng alkalde, rerespetuhin nila ang ‘right to choose at right to information’ ng mga Manilenyo.

“Your body, your choice,” pahayag pa ng alkalde, sa kanyang Facebook Live broadcast.

“Karapatan ng tao na mamili ng bakunang ituturok sa kanya. Hindi kami mag-a-announce ng brand. Susundin namin ang alituntunin ng DOH/IATF,” dagdag pa nito.

“Ngunit, puwede naman po kayong magtanong sa mismong bakunahan o kaya habang ikaw ay nasa pila. Hindi iyon bawal. Your body. Your choice. Karapatan mo iyan,” pahayag pa nito.

Bagamat nananatili pa ring boluntaryo ang pagpapabakuna, pinaalalahanan ni Moreno ang publiko na ang pinakamainam na bakuna ay kung ano ang available na sa bansa.

“Katawan mo ‘yan, karapatan mong mapangalagaan, na ang ituturok sa ‘yo ay kung saan ka panatag at naniniwala, kung ang sitwasyon ay maraming brand ang naka-deploy. ‘Yan, patuloy kong igagalang,” dagdag pa ng alkalde.

“Pero habang ‘yon ay nirerespeto ko, gabi-gabi pinauulit-ulit ko bilang ama ng lungsod, na paglinawin ang kaisipan ng tao, na ang bakunang mabisa ay bakunang nasa braso mo,” ayon pa kay Moreno.

Umaasa rin ang alkalde na maaabot nila ang herd immunity sa lungsod sa Setyembre dahil sa patuloy na pagpapaigting sa kanilang vaccination drive. (RENE CRISOSTOMO)

132

Related posts

Leave a Comment