KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
PEBRERO 14. Valentine’s Day. Ito ang isang araw na inaabangan ng mga nababaliw sa pag-ibig para ipamalas ang kanilang pagmamahal sa ginigiliw na kasuyo. Kadalasan ay ipinakikita ito sa pagbibigay ng regalong bulaklak o tsokolate sa babae at panyo o brief kaya sa lalaki.
Pero ngayong bumabalasik ang hampas ng kahirapan sa Pilipinas, nagiging pragmatiko na ang mga nag-iibigan. Kinalimutan na ang romantikong tradisyon.
At ayon sa mga interbyu sa kalye, mas gusto pa ng lalaki o babae na tumanggap ngayon ng regalong KWARTA sa Valentine’s Day.
Hindi sila masisisi. Mas malintik kasi ngayon ang haplit ng patuloy na pagkalam ng sikmura sa gutom, text message warning na paubos na ang cellphone load, at ang parada ng mga bayarin sa tubig, kuryente at iba pang gastusin sa bahay.
Kaya ngayon ay palikutan na lang ng isip sa selebrasyon.
Ang swabe at walang gastos na Valentine’s Day ng mag-asawa ay ang maligo nang sabay sa banyo at magwawakas sa mainit na yapusan sa kama. The rest? Censored na.
Paano ang mga magsiyota pa lang? Short time na lang kayo sa motel. Sulitin ninyo ang bawat minuto sa sarap ng inyong labyuhan. Ito ay kung may pera kayong pambayad sa kwarto.
Paano kung walang pera? Sumali kayo sa mga gimik sa Facebook ng maraming kandidato na namimigay ng perang pang-date sa Valentine’s Day at baka kayo ang swertehin.
Ibang lebel na ngayon ang kukote ng mga politiko. Pati ang February 14 ay ginagamit na rin sa pangangampanya.
##########
Hoy! Mga kandidatong senador at party-list groups. Alisin na ninyo ang mga nagkalat na campaign posters na wala sa itinalagang lugar ng Commission on Election. Operation Baklas na sila. Sa Feb. 11 ang umpisa ng 90 araw na opisyal na panahon ng pangangampanya ng mga kandidato sa posisyong nasyunal.
Ang mga lokal na kandidato naman – kongreso, probinsya, siyudad at bayan – ay magsisimula ang opisyal na 45 araw na kampanyahan sa Marso 28.
Ngunit kung babalikan, pagkatapos nilang magsumite ng certificate of candidacy nitong nakaraang taon, agad na silang nangampanya.
Idinikit na nila at ipinako ang kanilang campaign posters sa mga poste, pader, tulay, at kahit sa mga punong-kahoy sa tabi ng kalye.
‘Yun namang maraming pera ay rumenta ng malalaking billboards sa tabi ng highways para makita ng publiko ang kanilang mga nakasusukang mukha kasama ang kanilang mga boladas na pangako.
Pero sa paliwanag ng Comelec, hindi raw naman lumalabag sa batas ang mga kandidato dahil hindi pa panahon ng opisyal na pangangampanya kahit laganap na ang kanilang posters.
Lintik talaga ang batas natin sa eleksyon. Malabo. O talagang sinadya ng mga mambabatas na lumikha nito para madali nila itong lusutan kapag sila ang kandidato.
##########
Muling paalala. Maging maingat tayo sa kalusugan ngayong talandi ang panahon at huwag balewalain ang ubo, sipon, lagnat sa katwirang mawawala rin ang mga ito pagkalipas ng ilang araw na pag-inom ng gamot.
Ayon sa istatistika ng gobyerno, ang 20 hanggang 30 porsyento ng mga tinamaan ng nasabing sakit ay nagkakaroon ng impeksyon sa baga. Nauuwi sa mas mapanganib na pulmonya na ikinamamatay partikular ng mga bulnerableng bata at matatanda na may iba pang karamdaman.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang sakit na pulmonya ang ika-apat na sanhi ng kamatayan sa bansa noong 2023 at nasa mahigit 44,000 ang natodas.
Kaya naman patuloy ang panawagan ng pamahalaan na magpaturok ang mamamayan ng anti-flu at anti-pneumonia vaccines upang magkaroon ng depensa sa banta ng sakit. Libre itong itinuturok ng medical workers mula sa gobyerno.
Sa lalawigan ng Quezon, mapalad ang mamamayan dahil ang pangangalaga sa kalusugan ang pangunahing pokus ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Angelina Tan, na mas lalong kilala bilang si “Doktora Helen”, dahil isa siyang beteranang manggagamot.
Halos linggo-linggo ay nagpupunta si Doktora Helen, ang grupo ng mga doktor, dentista, nurses, medical technologists at iba pang medical workers, sa iba’t ibang bayan o barangay upang magsagawa ng “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” medical mission. Pagkatapos ng konsultasyon ay nagbibigay na rin ng libreng gamot at libreng salamin sa mata sa mga malabo na ang paningin.
Maging ang anak ni Doktora Helen na si “Doc Kim” na isang medical surgeon ay boluntaryong lumalahok sa panggagamot. At kung kinakailangang operahan ang may sakit at kaya naman itong gawin sa pinagdarausan ng gamutan, agad niya itong inooperahan upang hindi na ito dalhin sa ospital.
Sa Lucena City ay nagsimula na ring muli ang “Boom Konsulta” medical mission na inisyatiba ni Mayor Mark Alcala. Umiikot din sa mga barangay ang grupo ng medical workers mula sa City Health Office upang magbigay ng libreng konsultasyon sa mamamayan na nangangailangan ng pagsusuri sa anomang karamdaman na nagbabanta sa kanilang kalusugan.
Taga lalawigan ako ng Quezon at isa ako sa mga nagpapasalamat sa mga lider ng aming lokal na pamahalaan kasama ang kanilang medical workers sa kanilang pagmamalasakit na mapangalagaan ang aming kalusugan.
Maraming salamat! Pagpalain kayo ng Panginoong Diyos.
