(CHRISTIAN DALE)
MISTULANG nagkalaglagan na matapos hindi ipagtanggol ng Malakanyang ang kontrobersya sa pagdaan sa busway ng convoy na sinasabing kay Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil.
Kahapon ay binalaan ng Malakanyang ang mga aabuso sa EDSA Busway kasunod ng kontrobersyal na isyu na ikinabit kay Marbil na nangatwiran na may emergency meeting kaya nagtangkang dumaan sa bahaging iyon ng kalsada ang kanilang convoy.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi nila kukunsintihin ang mapang-abusong pag-uugali ng gagamit ng EDSA Busway.
Pinaalalahanan din nito ang mga opisyal na gagamitin ang busway sa mga pagkakataon ng mga beripikadong emergencies.
Nilinaw ni Castro na hindi kasama sa sinasabing emergency ang “emergency meetings”.
“Hindi po kasama doon iyong emergency meeting. Kung may emergency meeting, mas maganda po umalis sila nang maaga sa kanilang bahay,” ang pahayag ni Castro.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na hihingan niya ng paliwanag si Marbil kaugnay sa usapin.
”I will ask him… I will ask him… Again, it was news to me that nangyari ‘yun [it happened. I have to confirm it with him and I will ask for an explanation,” ang sinabi ni Remulla sa press briefing sa Malakanyang kamakalawa.
Sa ulat, isang convoy na umano’y konektado sa PNP chief ang nahuling dumaan sa busway sa Ortigas noong Pebrero 25.
Pinara ito ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) kung saan sinabi ng isang pulis na may “emergency si Marbil” at kailangang makarating agad sa Camp Crame sa Quezon City.
Agad na umalis ang convoy nang hindi nabibigyan ng tiket, ngunit bumalik ang isa sa mga sasakyan para tanggapin ang violation ticket.
Samantala, kinumpirma ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo ang insidente, sinabing kinailangan ng convoy na gamitin ang restricted lane dahil sa isang agarang closed-door meeting sa Camp Crame.
“For security reasons, we will not disclose the identities of those in the convoy. What we can confirm is that they are senior officers holding sensitive positions,” ani Fajardo.
