MAY MGA KABADO NA SA PAGBALIK NI ZALDY CO

(DANG SAMSON-GARCIA)

NANINIWALA si Senador JV Ejercito na may mga opisyal na posibleng mabahala sa inaasahang pagbabalik sa bansa ni dating kongresista Zaldy Co.

Ayon kay Ejercito, maaaring maglantad ng impormasyon si Co kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Sinabi rin ng senador na pabor siya sa plano ni Sen. Panfilo Lacson na pagharapin sa pagdinig si Co at ang mga testigong nag-ugnay sa kanya sa umano’y iregularidad.

Gayunman, iginiit ni Ejercito na mas makabubuting makumpleto muna ang committee report bago ito lagdaan.

PNP Naghahanda Na Rin

Kaugnay nito, tiniyak ng Philippine National Police ang kahandaan nito sa posibleng pagbabalik sa bansa ni Co.

Ayon kay PNP Spokesperson Randulf Tuaño, isasailalim si Co sa standard procedures kabilang ang medical at physical examination, booking, at documentation sa Camp Crame.

Matapos nito, dadalhin siya sa Sandiganbayan para sa return of warrant at pagtatakda ng arraignment.

Naaresto si Co sa Czech Republic at nahaharap sa mga kasong kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

(May dagdag na ulat si TOTO NABAJA)

51

Related posts

Leave a Comment