MAYORYA NG PINOY PABOR SA IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA – SURVEY

NAGPAHAYAG ng suporta si Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega sa resulta ng pinakahuling survey ng OCTA Research na nagpapakitang mayorya ng mga Pilipino ang pabor sa pagsasagawa ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Batay sa “Tugon ng Masa” survey na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents, 69 porsyento ang naniniwalang dapat humarap si Duterte sa paglilitis sa Senado bilang impeachment court.

Samantala, 28 porsyento ang tutol habang 3 porsyento ang hindi pa desidido.

Sa Mindanao, na itinuturing na balwarte ng Bise Presidente, 61 porsyento ang sumusuporta sa impeachment trial, 38 porsyento ang tutol, at 1 porsyento ang undecided.

“Magandang makita na ang suporta sa impeachment trial ay may malinaw na majority sa Mindanao at sa iba’t ibang socioeconomic classes. Ibig sabihin, mas dumarami ang nakakaunawa dito at mas marami na ang humihingi ng accountability sa ating mga opisyal,” ani Ortega.

Lumabas din sa survey na mayorya ang suporta sa lahat ng socioeconomic classes—71 porsyento sa Class ABC, 72 porsyento sa Class D, at 54 porsiyento sa Class E.

Bukod dito, umabot sa 87 porsyento nationwide at 91 porsiyento sa Mindanao ang antas ng kaalaman ng publiko hinggil sa impeachment complaints laban kay Duterte.

Iginiit ni Ortega na ang resulta ay indikasyon ng pagnanais ng publiko na marinig ang mga sagot sa mga paratang.

(TINA MENDOZA)

94

Related posts

Leave a Comment