NAGTUNGO sa Tacloban City ang mag-amang Rodrigo at Davao Mayor Sebastian Duterte na tila nangangampanya habang binabaha ang Davao City noong Linggo.
Bunsod nito ay plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pagpaliwanagin si “Baste” kung bakit wala ito sa kanyang nasasakupan o pwesto habang binabaha ang kanyang mga kababayan.
Paalala ng DILG, nakasaad sa Local Government Code na ang local chief executive ay dapat nasa kanyang area of responsibility para matiyak ang kaligtasan ng kanyang constituents sa panahon ng kalamidad.
Rumagasa ang flashflood sa Toril, Davao City matapos ang ilang araw na pag-ulan sa lugar.
Kita naman sa ilang larawan at video na ipinost ng mga taga-Tacloban City ang mag-amang Duterte sa itaas ng entablado na tila nangangampanya na.
Kamakailan sinabi ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ang kanyang ama at dalawang kapatid sa Senado sa 2025 midterm election. Wala pa namang reaksyon si Mayor Duterte hinggil sa pagtungo niya sa Leyte habang binabaha ang Davao City.
