PAGSASAPELIKULA SA YULDONG HEROISM ISINULONG NG DND CHIEF

ISINUSULONG ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang paggawa ng pelikula hinggil sa kabayanihan ng mga sundalong Pilipino at Koreano sa panahon ng Korean War, partikular sa makasaysayang Battle of Yuldong o Yultong.

Sa kanyang talumpati sa ika-75 anibersaryo ng labanan sa Libingan ng mga Bayani, sinabi ni Teodoro na nananatiling kulang ang pagkilala sa sakripisyo ng mga sundalong Pilipino.

“Yuldong heroism remains under-told,” ayon sa Kalihim, na iginiit na hindi sapat ang tradisyunal na paggunita upang maiparating sa publiko ang kahalagahan ng naturang labanan.

Binigyang-diin niya na maging ang mga pangunahing tauhan tulad nina Kapitan Conrado Yap at Teniente Jose Artiaga ay hindi pa lubos na nakikilala ng nakararaming Pilipino.

“Isa itong malaking trahedya… iilan lamang ang nakakaalam. Ito ay isang kawalan ng katarungan sa Republika ng Pilipinas,” ani Teodoro.

Dahil dito, inanunsyo ng Kalihim ang planong makipag-coproduce ng isang pelikula na magtatampok sa Battle of Yuldong at sa kabayanihan ng mga sundalong Pilipino at Koreano.

“Makikipag-co-produce tayo ng pelikula… upang maiparating sa kabataan ang sakripisyo ng ating mga bayani,” dagdag niya.

Ayon kay Teodoro, personal din niyang susuportahan ang proyekto upang mas mailapit sa makabagong henerasyon ang kasaysayan at pagpapahalaga sa sakripisyo ng mga bayani.

Samantala, isinapelikula rin ang isa sa pinakamadugong hostage incidents sa bansa—ang 2010 Manila hostage crisis.

Ang pelikulang “Beyond Hostage Crisis,” na isang produksyong Hong Kong, ay nakatakdang ipalabas sa susunod na buwan at muling tatalakay sa 12-oras na hostage drama sa Rizal Park.

Matatandaang binihag ni dating pulis Rolando Mendoza ang 25 katao, kabilang ang 21 turista mula Hong Kong, sa loob ng isang tourist bus.

Nagwakas ang insidente sa isang pumalpak na rescue operation na napanood nang live sa buong mundo, kung saan walong turista ang nasawi at siyam ang sugatan, kabilang ang dalawang Pilipino.

Nakatuon ang pelikula sa epekto ng insidente sa mga biktima at kanilang mga pamilya, at inaasahang magsisilbing paalala sa isa sa pinakamalagim na trahedya sa bansa.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment