26 NADAGDAG SA COVID CASES SA MALABON

LUMOBO sa 91 and active COVID-19 cases sa Malabon City matapos na 26 ang magpositibo nitong Pebrero 2, at umakyat sa 6,322 ang positive cases sa lungsod.

Ayon sa City Health Department, siyam na pasyente naman ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 5,989 na ang recovered patients ng siyudad at nanatiling 242 ang pandemic fatalities.

Samantala, handa umano si Malabon City Mayor Antolin Oreta na magpabakuna sa harap ng madla para maibsan ang kanilang agam-agam ukol sa bakuna.

Ito ay matapos lumitaw sa isang survey na isinagawa noong Enero 18 na 35% lamang ng mga residente ng Malabon ang gustong magpabakuna.

“Gusto muna nilang makakita, ‘yung mga naba-vaccinate, ano’ng effects noon, bago sila magpabakuna. Parang wait and see,” ani Oreta.

Naglaan ang Pamahalaang lungsod ng P50 milyon para sa bakuna laban sa COVID-19 at layong bakunahan ang 118,000 residente.

Lumagda na ang Malabon ng kasunduan kasama ang AstraZeneca at naghanda ng 11 vaccination teams at limang vaccination sites

Target mabakunahan ang 1,100 residente bawat araw o 100 indibidwal bawat vaccination team. (ALAIN AJERO)

53

Related posts

Leave a Comment