3 TIMBOG SA RENT TANGAY MODUS

NAHAHARAP sa kasong swindling at grave coercion ang tatlo katao, kabilang ang isang babae, nang mabuking ang modus nilang pagbebenta ng mamahaling sasakyan na kanilang nirentahan lamang, at nadakip makaraang maispatan ng mga awtoridad sa Ermita, Manila.

Kinilala ang mga suspek na sina Fernando Taluban, 55; Reynaldo Montero, 60, kapwa residente ng Pangasinan, at Anna Elloisa Veras, 31, ng Sta. Ana, Manila

Batay sa ulat ni P/SSgt. Randolf Pellesco na isinumite kay P/Major Raul Salle, hepe ng Manila Police District-Anti Carnapping Unit, bandang alas-9:00 ng gabi nang bitbitin ng mga pulis ang tatlong suspek nang matiyempuhan sa tapat ng isang bangko sa Antonio Villegas St. sa Ermita.

Ito ay makaraang isumbong ng ilang tambay na narinig ang pakikipagtalo ng mga ito sa complainant na hindi binanggit ang pangalan, hinggil sa bentahan ng sasakyan.

Tinulungan umano ng mga tambay ang biktima na magreklamo sa MPD Headquarters na mabilis namang nagresponde at nadakip ang mga suspek.

Ayon sa report ng pulisya, binebentahan umano ng mga suspek ang biktima ng Toyota Fortuner model 2018 sa halagang P400,000.

Hinahanap umano ng biktima ng mga dokumento ng sasakyan ngunit walang mailabas ang mga suspek.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na ang mga suspek ay kabilang sa grupong rent tangay syndicate. (RENE CRISOSTOMO)

65

Related posts

Leave a Comment