BETERANO MAY LIBRENG SAKAY NA RIN SA MRT-3 MULA ABRIL 5-11

mrt15

(NI KEVIN COLLANTES)

NAG-ANUNSIYO na rin ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magkakaloob ng   isang linggong libreng sakay para sa mga beterano sa bansa.

Sa paabiso ng Department of Transportation (DOTr)-MRT3, nabatid na ito’y bilang pakikiisa nila sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa Abril 9, na deklaradong regular holiday, gayundin sa Philippine Veteran’s Week.

Ayon sa DOTr-MRT-3, ang libreng sakay para sa mga beterano at isang personal na kasama nila, ay maaaring i-avail mula Abril 5 hanggang Abril 11, mula 5:30 ng madaling araw hanggang 10:30 ng gabi.

“GOOD NEWS: The DOTr MRT-3 will give free rides to our Filipino veterans on April 5-11, 2019, from 5:30AM to 10:30PM, in observance of the 2019 Araw ng Kagitingan and Philippine Veterans Week!” nakasaad sa advisory ng DOTr. “One companion of a veteran will also be allowed to ride the MRT-3 for free.”

Matatandaang una nang nag-anunsiyo ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na may 1-week unlimited free rides sila para sa mga beterano sa nasabi ring petsa, mula 4:30 ng madaling araw hanggang sa huling biyahe ng kanilang mga tren.

Kinakailangan lamang umanong magpakita ng mga beterano ng balidong identification card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) upang maka-avail ng libreng sakay.

Wala pa namang anunsiyo ang LRT-1 kung magpapatupad rin sila ng kahalintulad na free ride para sa mga beterano.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City, habang ang LRT-2 ay bumibiyahe mula sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila hanggang  Santolan sa Pasig City at vice versa. Kevin Collantes

 

 

268

Related posts

Leave a Comment