INSPEKSIYON SA MGA PAARALAN INIUTOS NG DEPED 

deped25

(NI KEVIN COLLANTES)

IPINAG-UTOS ni Education Secretary Leonor Briones ang pag-iinspeksiyon sa lahat ng mga paaralan at mga pasilidad ng departamento na tinamaan ng 6.1 magnitude na lindol nitong Lunes ng hapon.

Ang kautusan ay ginawa ni Briones sa pamamagitan ng isang memorandum na kaagad nitong inisyu matapos yanigin ng lindol ang ilang bahagi ng Luzon dakong 5:11 ng hapon.

Sa naturang memorandum, inatasan ng kalihim ang mga prinsipal, school heads at mga in-charge ng mga paaralan, na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa lahat ng school buildings at facilities bago payagan ang mga mag-aaral, mga guro at mga personnel na pabalikin doon.

Nagbigay na rin siya ng direktiba sa mga inhinyero, arkitekto, at disaster risk reduction management (DRRM) offices na tiyakin ang kaligtasan ng mga gusali, pasilidad, at mga tanggapan ng departamento.

“Only when the structural integrity and safety of buildings and facilities is assured can the learners, teachers and personnel be allowed to enter the same,” nakasaad sa memorandum.

Kasabay nito, kinansela na rin ng DepEd ang klase sa mga paaralan sa National Capital Region (NCR) na mayroon pang mga pasok hanggang sa ngayon.

Nabatid na Abril 5 pa nang magtapos ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa ngunit mayroon pa ring ilang school activities na nagaganap kaya’t may pailan-ilan pa ring mga pumapasok sa mga paaralan.

Mayroon pa rin namang mga pribadong paaralan ang hanggang sa ngayon ay may klase pa rin.

 

397

Related posts

Leave a Comment