LRT-1, LRT-2 BUKAS HANGGANG MIYERKOLES SANTO

lrt12

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGLABAS na ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) ng kanilang Holy Week schedule para sa susunod na linggo.

Sa inilabas na advisory ng LRT-1, mananatiling normal ang kanilang operasyon mula Lunes Santo, Abril 15, hanggang Miyerkoles Santo, Abril 17, ngunit suspendido ang kanilang operasyon mula Huwebes Santo, Abril 18, hanggang Linggo ng Pagkabuhay, Abril 21.

Batay naman sa paabiso ng LRT Authority (LRTA), normal rin ang operasyon ng LRT-2 mula Lunes Santo hanggang Martes Santo, ngunit papaikliin nila ang kanilang operation sa Miyerkoles Santo.

Ang huling biyahe ng tren ng LRT-2 mula Santolan, sa Pasig City, sa nasabing araw ay hanggang 7:00 ng gabi lamang habang 7:30 ng gabi naman ang last trip ng tren galing sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila.

Suspendido rin ang operasyon ng LRT-2 mula sa Huwebes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.

Una nang nagpaabiso ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na simula sa Lunes Santo, Abril 15, hanggang Linggo ng Pagkabuhay, ay suspendido ang kanilang operasyon dahil sa kanilang annual maintenance shutdown.

Inaasahang magbabalik sa normal ang operasyon ng tatlong mass railway system sa Abril 22, Lunes.

Ang LRT-1 ay bumibiyahe mula sa Roosevelt, Quezon City hanggang Baclaran, Paranaque City at pabalik, habang ang LRT-2 naman ang nagdudugtong sa Santolan sa Pasig City patungong Recto Maynila at vice versa.

Ang MRT-3 naman ay bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) mula sa Taft Avenue, Pasay City, hanggang sa North Avenue, Quezon City at pabalik.

 

 

142

Related posts

Leave a Comment