MANGANGALAKAL NAGKALAT NG BASURA, BINARIL NG SEKYU

NILALAPATAN ng lunas sa pagamutan ang isang mangangalakal ng basura makaraang barilin ng security guard ng isang restaurant makaraang magkalat umano ng basura sa paligid ng binabantayang establisyemento ng suspek sa Quezon City noong Huwebes ng umaga.

Sinabi ni Quezon City Police District Director, PBGen. Redrico Maranan, kinilala ang nadakip na suspek na si Remwil Garcera, 58, security guard, at residente ng Brgy. Tandang Sora, Quezon City.

Nasugatan naman ang biktima na isang mangangalakal na hindi pa nakikilala, nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center (EAMC).

Ayon sa ulat ng QCPD, nangyari ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga noong Setyembre 4, 2024 sa harap ng isang restaurant sa

Kalayaan Avenue, Brgy. Central Quezon City.

Nabatid sa ulat na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang biktima dahil sa pagkakalat umano ng biktima sa paligid ng restaurant na binabantayan ng suspek.

Sinabi sa ulat na habang nagtatalo, kumuha umano ng bato ang biktima at tinangkang saktan ang suspek dahilan para bunutin ng sekyu ang kanyang service firearm at binaril ng tatlong beses ang mangangalakal.

Mabilis namang nagresponde ang mga operatiba ng QCPD Station 10 Kamuning, sa pinangyarihan ng insidente at agad naman nadakip ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide. (PAOLO SANTOS)

33

Related posts

Leave a Comment