P904-M SHABU CHEMICALS WINASAK NG PDEA

TINATAYANG mahigit P904 milyong halaga ng nakumpiskang mga kagamitan at iba’t ibang kemikal sa paggawa ng ilegal na droga, ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Valenzuela City nitong Huwebes.

Pinangunahan mismo ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang ‘destruction’ sa controlled precursors, essential chemicals at laboratory equipment na isinagawa sa Green Planet Management Incorporated sa Barangay Punturin, Valenzuela City.

Ayon kay PDEA Dir. Gen. Wilkins Villanueva, ang mga winasak nila ay pangunahing gamit at mga sangkap sa paggawa ng shabu at ang pinakamalaking halaga ng controlled precursors and essential chemicals (CPECs) na sinira sa kasaysayan ng kanilang ahensiya.

Aniya, sa kabuuan ang kanilang winasak sa pasilidad ng Green Planet Management Inc., ay umabot na sa mahigit P108.3 milyong halaga ng liquid chemicals; mahigit P708 milyong halaga ng solid chemicals, at mahigit P11.7 milyong halaga ng laboratory equipment.

Ang mga winasak na chemicals ng PDEA nitong Huwebes ay nakumpiska mula noong taong 2018, na tinatayang mahigit P904 milyong halaga ng chemical at precursors na nasabat ng PDEA sa loob ng dalawang taon.

Sa kabilang dako, ayon kay Villanueva, hinihintay pa nila ang order mula sa korte para sa ‘destruction’ sa natitira pang 13 tonelada ng chemicals, precursors at laboratory equipment na nakaimbak pa sa kanilang storage facility. (JESSE KABEL)

69

Related posts

Leave a Comment