SEXUALLY TRANSMITTED INFECTIONS SA QC TUMAAS

NAGTALA ang lungsod ng Quezon ng pagtaas sa kaso ng STI o sexually transmitted infections.

Sa ulat, tumaas ng 56 porsiyento ang bilang ng STI sa lungsod ngayong taon.

Nagtala ang QC Service Delivery Network ng 2,538 na kaso ng STI mula Enero hanggang Nobyembre kumpara sa 1,625 noong 2021.

Lumabas din sa datos na sa 28,736 sumailalim sa boluntaryong pagpapayo at pagsusuri sa HIV sa walong klinika sa lungsod, 738 o 3 porsiyento ang nagpositibo sa human immunodeficiency virus (HIV).

Limampu’t isang porsyento o 373 sa mga ito ay kabilang sa 25-34 age bracket; 256 (35 porsyento) ay nasa edad 15 hanggang 24; 95 o 13 porsiyento ay nasa edad 35 hanggang 49; at 13 o 2 porsiyento ay hindi bababa sa 50 taong gulang.

Nabatid pa sa ulat, sa mga sumailalim sa pagsusuri sa Quezon City, 25,347 o 67.5 porsiyento ay lalaki habang 3,389 o 32.5 porsiyento ay babae; 1,523 ay hetero-lalaki o yaong inilarawan ang kanilang sarili bilang bahagyang bisexual; 3,315 ay mga babaeng transgender; at 20,509 ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Tinatarget ng HIV ang immune system at pinahihina ang depensa laban sa maraming impeksyon at ilang uri ng kanser na madaling labanan ng mga taong may malusog na immune system.
Dahil dito, pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mamamayan nito na samantalahin ang libreng pagsusuri, pagpapayo at konsultasyon para sa HIV.

Samantala ang pinaka-advance na yugto ng impeksyon sa HIV ay acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), na maaaring humantong sa kanser, impeksyon o iba pang malubhang pangmatagalang sakit.

Maaaring maipasa ang HIV sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga likido sa katawan mula sa mga taong nahawahan, tulad ng dugo, gatas ng ina, semilya; at ng isang ina sa kanyang anak sa panahon ng pagbubuntis at panganganak.

Ang mga ordinaryo at regular na kontak gaya ng paghalik, pagyakap, pakikipagkamay, o pagbabahagi ng mga personal na bagay, pagkain o tubig ay hindi nagiging sanhi ng HIV, paglilinaw ng World Health Organization.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga STI ay nagpapakita ng mga pisikal na sintomas tulad ng mga bukol o sugat sa balat, makating discharge, pananakit o paso habang umiihi, lagnat o iba pang sintomas na tulad ng trangkaso.

Gayunpaman, ang lahat ng mga sintomas ay maaaring sanhi ng iba pang mga sakit na hindi nakukuha sa pakikipagtalik habang ang ilang STI ay asymptomatic.

Ang pinakakaraniwang kaso ng STI ay gonorrhea sa 1,057 (52.75-porsyento na pagtaas), na sinusundan ng mga non-gonococcal infection (NGI) na may 617 na impeksyon (139-porsyento na pagtaas), at 349 na kaso ng syphilis (dalawang porsyentong pagbaba).

Sa isang pahayag, sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire, DOH officer-in-charge, na tumaas ang mga kaso ng HIV sa panahon ng pandemya. (PAOLO SANTOS)

27

Related posts

Leave a Comment