(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TILA nasupalpal ang mga nagmamadaling mapatalsik si Vice President Sara Duterte matapos hindi muna aksyunan ng Senado ang impeachment complaint laban dito.
Posibleng sa pagbabalik ng sesyon na idaos ang paglilitis laban sa Bise Presidente.
Paglilinaw ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, bagaman prayoridad ng Senado ang impeachment ni Duterte, hindi dapat minamadali ang proseso nito.
Hindi na nabanggit sa plenaryo sa huling araw ng sesyon ang tungkol sa natanggap na articles of impeachment laban kay Duterte na mula sa Kamara.
Paalala ni Pimentel, ang Senado ang tatayong korte kaya hindi dapat maging excited o atat sa magiging proseso nito.
Sinabi nito na dahil impeachment court ang Mataas na Kapulungan ay dapat normal at relax lang ang kanilang pagkilos tungkol sa tuluyang pagpapatalsik kay VP Sara.
Paliwanag pa ng senador, hindi agad naisalang sa plenaryo ang impeachment dahil ire-report pa ito ng Senate secretary sa opisina ng Senate President subalit judgment call na ng lider ng Senado kung isisingit ito sa sesyon kahit katatanggap pa lang at wala rin sa agenda.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Senate President Chiz Escudero na hindi magsasagawa ng impeachment trial o paglilitis kay VP Sara sa susunod na mahigit tatlong buwan dahil nakabakasyon ang sesyon ng Kongreso.
Samantala, no comment naman si VP Sara hinggil sa aksyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Mahirap mag-react kung hindi natin nababasa kung ano ‘yung official statement nila. Baka masobrahan o magkulang ‘yung reaction. So, kailangan natin antayin,” ani Duterte sa panayam ng TV5.
Matatandaang 225 miyembro ng House of Representatives ang pumirma sa ikaapat na impeachment na inihain laban kay Duterte na lagpas sa requirement na one-third o 102 mga miyembro ng Kamara upang maka-usad ang impeachment complaint sa Senado.
