KINALAMPAG ng mga marino sa Pilipinas ang Korte Suprema upang hilingin ang agarang aksyon sa kanilang petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagpapatupad ng Magna Carta of Filipino Seafarers o Republic Act No. 12021.
Kinukuwestiyon ng International Seafarers Action Center (ISAC) at Concerned Seafarers of the Philippines (CSP) ang konstitusyonalidad ng pagkakapasa ng RA 12021, gayundin ang ilang probisyon nito na anila’y hindi pabor sa kapakanan ng mga marino.
Ayon kay ISAC President Atty. Edwin Dela Cruz, hindi sapat na tawaging Magna Carta ang batas kung hindi nito tunay na inuuna ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong marino.
Dapat umanong tiyakin ng batas ang proteksyon ng mga marino na ilang buwan na malayo sa kanilang pamilya at humaharap sa mahihirap at mapanganib na kondisyon sa dagat.
Iginiit ng dalawang grupo na dapat maglabas ang Korte Suprema ng TRO upang pansamantalang ihinto ang pagpapatupad ng RA 12021 habang dinidinig ang mga usapin hinggil sa konstitusyonalidad nito.
Nanawagan din sila para sa isang Magna Carta na tunay na magtataguyod sa karapatan, kaligtasan, kabuhayan at kapakanan ng mga Pilipinong marino.
Samantala, itinuring na tagumpay ng ISAC at CSP ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa execution bond requirement sa ilalim ng Section 59 ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sa naturang desisyon, idineklara ng Korte Suprema na labag sa due process at equal protection clauses ng Saligang Batas ang paghingi ng bond sa mga nanalong marino upang makuha ang kanilang mga benepisyo habang nakabinbin ang apela.
Ayon sa mga grupo, naging pasaning pinansyal ang naturang rekisito na hindi naman ipinapataw sa ibang manggagawang Pilipino.
Matagal na umanong tinututulan ng ISAC at CSP ang probisyong ito dahil lalo lamang nitong pinahihirapan ang mga manggagawa sa karagatan.
Gayunman, binigyang-diin ng mga grupo na hindi pa tapos ang kanilang laban dahil nananatili sa batas ang iba pang probisyong itinuturing nilang anti-seafarer.
Matatandaang kabilang ang ISAC at CSP sa mga naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa bond requirement. Nagkasa rin sila ng mga kilos-protesta noong nakaraang linggo upang ipaglaban ang karapatan ng mga marino.
(JULIET PACOT)
16 