SPEAKER DY, PINALALAWAK UGNAYAN NG MGA PARLIYAMENTO SA ASEAN SA PAMAMAGITAN NG AIPA

NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga mambabatas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na panatilihing buhay ang pangako ng mapayapang pagtutulungan sa rehiyon sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa kanilang mga katapat sa ibang bansa.

Binigyang-diin ni Speaker Dy ang kahalagahan ng diyalogo sa pagbubukas niya noong Miyerkules ng 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), kasabay ng ika-50 anibersaryo ng paglagda ng mga lider ng ASEAN sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia sa Bali.

Nang araw ding iyon, isinagawa niya ang una sa apat na bilateral na pagpupulong kasama ang mga delegasyon ng AIPA, kung saan nakipagpulong siya sa delegasyon ng Viet Nam.

Noong Huwebes, magkakahiwalay na nakipagpulong si Speaker Dy sa mga delegasyon ng Singapore, Cambodia at Lao PDR upang talakayin ang pagpapalakas ng ugnayan ng kani-kanilang parlamento at ng Philippine House of Representatives.

Sinamahan siya sa apat na pagpupulong nina Senior Deputy Speaker Ferdinand L. Hernandez, pinuno ng delegasyon ng Pilipinas, at Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza.

“Bilang mga mambabatas, tayo ang mga tagapangalaga nito. Pinananatili natin itong buhay sa tuwing kinokontak natin ang ating mga katapat sa kabilang panig ng hangganan, at sa tuwing nagkakaroon man tayo ng hindi pagkakasundo sa bulwagang ito ay nagkakahiwalay pa rin tayong magkakaibigan,” pahayag ni Speaker Dy sa kanyang pambungad na talumpati.

Pinangunahan ni National Assembly President Tran Thanh Man ang delegasyon ng Viet Nam. Kasama niya sina Lai Thai Binh, Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary ng Vietnam sa Pilipinas; Hoang Van Nguyen, Deputy Minister; Quang Manh Le, kalihim ng National Assembly of Vietnam; Hien Tran, Third Secretary ng Embahada ng Vietnam; at delegadong si Hai Ha Vu.

Sa pagpupulong naman kay Singapore Parliament Speaker Seah Kian Peng, tinalakay nina Speaker Dy ang ugnayang bilateral at ang relasyon ng dalawang parlamento.

Kabilang sa delegasyon ng Singapore sina Members of Parliament Yeo Wan Ling, Crystal Chua, Elaine Neo at Ang Wei Jie.

Sumunod na nakipagpulong si Speaker Dy kay Cambodian National Assembly President Khuon Sudary upang talakayin ang pagpapalakas ng pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang parlamento.

Kabilang sa delegasyon ng Cambodia sina Pa Socheatevong, Lork Kheng, Sin Saream, Dr. Keo Piseth, Dr. Chheang Vannarith at interpreter na si Pen Prakath.

Nakipagpulong din ang pinuno ng Kamara kay Lao PDR National Assembly President Sonexay Siphandone, sa kahilingan ng delegasyon ng Laos.

Nagpalitan ng pananaw ang dalawang panig hinggil sa mga usaping may kapwa interes at tinalakay ang mga posibilidad ng mas malapit na kooperasyon sa mga panrehiyon at pandaigdigang parliamentary forum.

Kabilang sa delegasyon ng Laos sina Foreign Affairs Committee Chair Phoxay Khaykhamphithoune; National Assembly Chief of Cabinet Bounchanh Sivongphan; Cultural-Social and Ethnic Affairs Committee Chair Amphivena Long Bounpheng; National Defense and Security Committee Chair Maj. Gen. Soulaxay Phichit; at Lao PDR Ambassador to the Philippines Thipphakone Senesourinh.

Kasama rin sa delegasyon ang mga kawani ng Foreign Affairs Committee na sina Phutsady Panyasith at Chanthachone Homephunagphanh, gayundin ang interpreter na si Phetvanhsay Khousakoun.

36

Related posts

Leave a Comment