MAHIGPIT NA SEGURIDAD, TULONG SA MGA BIYAHERO PINATITIYAK NGAYONG UNDAS

MAS maraming pulis at K-9 units, sapat na masasakyan, at agarang tulong sa mga pasaherong mai-stranded ang ilan sa mga hakbang na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga Pilipino ngayong Undas.

Inatasan ni Pangulong Marcos si Executive Secretary Ralph G. Recto na tiyaking handa ang mga ahensya ng pamahalaan sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong biyahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Alinsunod dito, inatasan ni Recto ang Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang kaukulang ahensya na ihanda ang kanilang mga tauhan, sasakyan at serbisyo sa mga pantalan, paliparan at terminal sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Partikular na binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang palakasin ang police visibility, kabilang ang pag-deploy ng mga pulis at K-9 units sa mga pangunahing transport terminal, pantalan at iba pang lugar na dinaragsa ng mga biyahero.

Pinakikilos din ni Recto ang Philippine National Police (PNP) upang paigtingin ang mga patrol, security inspection at iba pang hakbang laban sa kriminalidad at mga banta sa seguridad.

Iminungkahi rin ni Recto sa mga kinauukulang ahensya na pag-aralan ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga driver ng pampublikong sasakyan, alinsunod sa umiiral na batas at mga regulasyon, upang makatulong na maiwasan ang mga aksidente at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

“Ang gusto ng Pangulo, ligtas ang bawat biyahe at may agarang tulong kapag kailangan. Hindi sapat na maraming masasakyan. Dapat sigurado rin tayong ligtas ang mga pasahero sa kalsada, sa pantalan at sa mga terminal,” ani Recto.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), inaasahang aabot sa 1.5 milyon hanggang dalawang milyong pasahero ang bibiyahe sa dagat ngayong Undas. Ipatutupad ng ahensya ang Oplan Biyaheng Ayos mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.

Makikipag-ugnayan din ang DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matiyak na sapat ang bilang ng mga bus, lalo na sa mga rutang inaasahang dadagsain ng mga biyahero.

Samantala, inatasan ang DSWD na maghanda ng pagkain, tubig at iba pang agarang tulong para sa mga pasaherong maaaring ma-stranded dahil sa masamang panahon, kakulangan ng masasakyan o iba pang aberya.

Katuwang naman ang Department of Health (DOH) sa paghahanda ng mga medical team at emergency assistance, habang makikipag-ugnayan ang DILG sa mga lokal na pamahalaan at PNP upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.

“Sa Undas, ang dapat iniisip ng ating mga kababayan ay ang pag-alala sa kanilang namayapang mahal sa buhay, hindi ang pangamba kung ligtas at may masasakyan ba sila papunta sa kanilang destinasyon,” ani Recto.

(CHRISTIAN DALE)

69

Related posts

Leave a Comment