OMBUDSMAN SA DOJ: IREGULARIDAD SA PAG-ARESTO KAY LUSTRE BUSISIIN

NANINIWALA si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na dapat imbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang umano’y iregularidad sa proseso ng kasong cyber libel na naging dahilan ng pag-aresto sa beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr.

Ito ay dahil lumalabas na hindi umano natanggap ni Lustre ang mga dokumento kaugnay ng reklamo laban sa kanya bago inilabas ang warrant of arrest.

Ayon kay Ombudsman Remulla, mali ang pag-isyu ng warrant nang hindi nalalaman ng respondent ang kasong isinampa laban sa kanya.

Posible umanong may modus dito, kung saan maling address ang ibinibigay sa prosecutor kaya hindi nakararating sa respondent ang mga dokumento at pagkakataong sagutin ang reklamo.

Binigyang-diin ni Remulla na tungkulin din ng mga prosecutor na tiyaking masunod ang nararapat na proseso bago umusad ang kaso.

Dahil dito, hinimok niya ang DOJ na alamin kung bakit hindi nakatanggap si Lustre ng mga dokumento o subpoena at kung ano ang nangyari sa proseso ng pag-abiso sa kanya.

Inaresto si Lustre sa Quezon City noong Sabado, Oktubre 24, kaugnay ng kasong cyber libel na nagmula sa Davao City.

(JULIET PACOT)

71

Related posts

Leave a Comment