BABALIK si Vince Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr), habang itatalaga naman si Giovanni “Banoy” Lopez bilang acting secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ilalim ng bagong pagbabago sa Gabinete na layong pabilisin ang mga reporma at paghusayin ang paghahatid ng serbisyo publiko.
“We are shifting gears to accelerate reform. Secretary Dizon goes to DOTr to fix the daily commute. Secretary Lopez goes to DPWH to make sure the reforms there last. Lahat ng ito, para lalong bumilis at gumaan ang serbisyo ng gobyerno para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano, inatasan si Dizon na pagaanin ang araw-araw na biyahe ng mga commuter sa pamamagitan ng pagpapabilis ng serbisyo sa Land Transportation Office (LTO), pagpapaikli ng mga pila, pagsugpo sa mga fixer at pagpapabilis sa pagkumpleto ng mahahalagang mass transport project.
Bago ang bagong pagtatalaga, nagsilbi na ring kalihim ng DOTr si Dizon. Sa kanyang panunungkulan sa DPWH, isinulong ang pagbubunyag ng impormasyon tungkol sa mga proyekto, pagpapatuloy sa mga matagal nang hindi natatapos na imprastraktura, at pagpapalakas ng transparency at accountability sa ahensya.
Samantala, inaasahang ipagpapatuloy at palalakasin ni Lopez ang mga repormang nasimulan sa DPWH, kabilang ang pagpapatupad ng mas matibay na mga tuntunin, proseso at sistema upang matiyak na magpapatuloy ang mga pagbabago kahit matapos ang kasalukuyang administrasyon. Inatasan din siyang pabilisin ang mga proyekto sa mga lansangan, tulay at iba pang imprastrakturang kailangan ng mga mamamayan.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Cayetano na ibinabatay ni Marcos ang mga pagbabago sa Gabinete sa mga pangangailangan ng bawat ahensya at sa mga repormang makapagpapabilis sa paghahatid ng serbisyo, at hindi sa mga konsiderasyong pampulitika.
“From where I stand and from all my experience interacting with the President, never po siya nagdesisyon base sa pulitika,” ani Cayetano.
Binigyang-diin ni Cayetano na layunin ng Pangulo na matiyak na hindi lamang panandalian ang epekto ng mga reporma, kundi makapagtatag din ng mga sistemang patuloy na pakikinabangan ng mga Pilipino sa mga susunod na taon.
“The President’s direction is clear: Secretary Dizon will accelerate results at Transportation, and Secretary Lopez will strengthen and sustain reforms at Public Works. This is how the President leads. He puts the right people where they can deliver the most,” ani Cayetano.
(CHRISTIAN DALE)
105 