NAGHAIN ng apela ang mga samahan ng mga manggagawa sa pangunguna ng sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino–Southern Tagalog (BMP-ST) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB 4A-Calabarzon) sa Lungsod ng Calamba nitong Lunes, kasunod ng pagpapasya ng lupon na magpatupad ng P25 hanggang P45 na dagdag sa minimum na sahod simula Oktubre 26.
Sa ilalim ng kautusan sa sahod, itinakda ang P45 na umento para sa mga manggagawa sa mga component city at pinalawak na metropolitan area, P40 sa mga first-class na munisipalidad, at P25 sa mga munisipalidad na nasa ikalawa hanggang ikalimang klasipikasyon. Makatatanggap naman ng P25 hanggang P45 na dagdag-sahod ang mga manggagawang agrikultural. Samantala, P42 ang itataas ng minimum na sahod ng mga manggagawa sa mga establisimyentong pangkalakal na may hindi hihigit sa sampung empleyado, saan mang lugar sa rehiyon.
Ayon sa mga umapela, “lubhang kulang” ang ipinatupad na umento upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Iginiit nilang “lubusang hiwalay sa reyalidad” ang lupon sa araw-araw na kalagayang kinakaharap ng mga karaniwang manggagawang sumasahod.
“Lalamunin lang ng implasyon ang umento sa sahod. Kitang-kita na hindi isinasaalang-alang ng lupon sa sahod ang napakataas na 7.2 porsiyentong inflation rate sa Region IV-A. Hindi sasapat iyan sa pagtaas ng pamasahe, presyo ng langis, LPG, kuryente at pagkain,” ani Ely Guzman, lider ng BMP-ST.
Bilang patunay sa anila’y kawalang-bisa ng mga lupon sa sahod, binatikos ng mga manggagawa ang anim na buwang paghihintay bago naglabas ang RTWPB ng kautusan. Naghain sila ng petisyon para sa umento noong Abril, sa kasagsagan ng agresyong militar ng Estados Unidos at Israel sa Kanlurang Asya, nang umabot sa 7.2 porsyento ang inflation rate. Gayunman, makalipas ang anim na buwan, 7.2 porsyento pa rin ang naitalang inflation rate, ngunit P25 hanggang P45 lamang ang ipinagkaloob na dagdag-sahod.
“Saang planeta ba nakatira ang mga taga-lupon sa sahod?” tanong ni Guzman.
“Malinaw naman ang datos: kami ang pinaka-produktibo sa buong bansa at kami rin ang may pinakamataas na inflation rate. Hindi namin deserve ang pambabarat nila sa aming lakas-paggawa,” giit ng lider-manggagawa.
Nangako ang grupo na magsasagawa ng mas malalaki at mas madalas na mga pagkilos-protesta hanggang sa matugunan ang kanilang mga kahilingan.
Kabilang sa mga umapela ang mga unyon ng mga manggagawa sa Calamba Medical Center at TCB Royal Industries. Kapwa nakabase sa Calamba, Laguna ang mga establisimyentong ito at mga kaanib ng BMP-ST.
(NI JUN VILLARICA)
79 