NPC NANAWAGAN NG HUSTISYA AT DUE PROCESS PARA SA BETERANONG MAMAMAHAYAG NA SI PHILIP LUSTRE JR.

NANAWAGAN ang National Press Club (NPC) sa mga kinauukulan na tiyakin ang due process sa kaso ng beteranong mamamahayag, awtor at kolumnistang si Philip Lustre Jr., 72, matapos siyang arestuhin noong Sabado ng hapon, Oktubre 24, sa Quezon City.

Ayon sa NPC, inaresto si Lustre matapos dumalo sa isang pampublikong media forum, batay sa warrant na inilabas ng korte sa Davao City kaugnay ng kasong cyber libel.

Nagpahayag ng pagkabahala si NPC President Mina Navarro sa paraan ng pag-aresto, lalo na sa mga ulat na hindi umano nabigyan si Lustre ng paunang abiso tungkol sa reklamo at ng mga dokumentong magbibigay sa kanya ng pagkakataong sumagot sa preliminary investigation.

Nababahala rin ang organisasyon sa posibilidad na magamit ang mga kasong cyber libel upang gipitin ang mga mamamahayag, kabilang ang paghahain ng mga kaso sa mga korte na malayo sa kanilang lugar ng trabaho o paninirahan.

Binigyang-diin din ng NPC ang pangangailangang suriin ang konteksto ng kaso kaugnay ng mga kritikal na ulat ni Lustre at ng kanyang aklat na “Kill, Kill, Kill,” na tumatalakay sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at sa mga pagpatay na iniuugnay rito.

Ayon kay Navarro, patuloy na susubaybayan ng NPC ang kaso katuwang ang mga lokal at internasyonal na organisasyong nagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag.

“We will closely monitor this case alongside local and international press freedom watchdogs. A threat to one journalist is a threat to the collective right of the Filipino people to a free, independent, and fearless press. We will not be silenced. Hinding-hindi tayo pasisiil,” pahayag ni Navarro.

Nanindigan ang NPC na mahalaga ang paggalang sa due process at kalayaan sa pamamahayag sa isang malaya at demokratikong lipunan. Binigyang-diin din nitong ang banta sa isang mamamahayag ay banta sa karapatan ng sambayanang Pilipino sa malaya, nagsasarili at matapang na pamamahayag.

(JULIET PACOT)

97

Related posts

Leave a Comment