SOLAR IRRIGATION PROJECTS NILARGA SA LEYTE

PERSONAL na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Biyernes ang isa sa dalawang solar-powered irrigation project sa Leyte upang mapababa ang gastos sa patubig, mapataas ang ani at matulungan ang mga magsasaka na makapaghanda sa inaasahang epekto ng El Niño.

Sa inagurasyon ng Tugbong Solar Pump Irrigation Project (SPIP) sa Barangay Tugbong, Kananga, Leyte, sinabi ni Pangulong Marcos na pinabibilis ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga pasilidad sa irigasyong pinapagana ng solar upang matiyak ang maaasahan at abot-kayang suplay ng tubig sa gitna ng banta ng matinding tagtuyot at pagtaas ng presyo ng langis.

“Kaya’t patuloy po ang inyong pamahalaan at nakatitiyak po kayo na lahat ng maaari nating gawin para makapaghanda sa Super El Niño kung tawagin, ay para makapaghanda diyan sa tagtuyot na parating,” ayon sa Pangulo.

Sasaklawin ng Tugbong SPIP ang 115 ektaryang palayan sa Barangay Tugbong at Barangay Sto. Niño sa Kananga. Samantala, magbibigay naman ng patubig sa 70 ektaryang sakahan ang Guintigui-an SPIP sa Ormoc City, na pakikinabangan ng 87 magsasaka.

Ayon kay Pangulong Marcos, maaaring makatipid ang mga magsasaka ng humigit-kumulang P20,000 sa gastos sa diesel sa paggamit ng solar-powered irrigation.

Sa mas maaasahang suplay ng tubig, maaari ring madagdagan mula dalawa hanggang tatlo kada taon ang kanilang taniman, na posibleng magpataas sa ani at kita ng mga magsasaka.

Namamahagi rin ang Department of Agriculture (DA) ng mas maliliit na solar-powered water pump upang lalo pang mapababa ang gastos sa patubig.

Sinabi ng Pangulo na nakapagtayo na ang pamahalaan ng humigit-kumulang 3,000 solar pump irrigation systems sa buong bansa bilang bahagi ng pagsisikap nitong palawakin ang irigasyon at palakasin ang produksyon sa agrikultura.

Tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na tutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga magsasaka at palalakasin ang mga hakbang upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan laban sa inaasahang epekto ng El Niño.

“Huwag ninyong iniisip na napapabayaan kayo, hindi po namin kayo pinababayaan. Araw-araw, gabi-gabi ay iniisip po namin kung papaano pagandahin ang inyong mga buhay,” ayon sa Pangulo.

Ang TONAY Solar Irrigators Association Inc., na may 66 na miyembrong magsasaka, ang mamamahala sa operasyon at pagpapanatili ng Tugbong SPIP.

Dumalo rin sa inagurasyon sina National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo Guillen, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

(CHRISTIAN DALE)

106

Related posts

Leave a Comment