2027 BUDGET NG MUNTINLUPA NAKATUON SA KALUSUGAN, EDUKASYON AT KABUHAYAN

TARGET ni REX CAYANONG

MAHALAGA ang maayos na paggamit ng pondo ng bayan dahil dito nakasalalay ang mga serbisyong natatanggap ng mamamayan.

Kaya dapat na ang bawat pisong ginagastos ng pamahalaan ay may malinaw na layunin at pakinabang sa publiko.

Sa Muntinlupa City, inihain ni Mayor Ruffy Biazon, kasama ang Local Finance Committee, ang panukalang P10.329 bilyong badyet para sa Fiscal Year 2027 sa Sangguniang Panlungsod.

Sinasabing sa panukalang ito, pinakamalaking bahagi ang inilaan sa social services na may P5.39 bilyon o 53 porsiyento ng kabuuang badyet, kabilang dito ang mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, social welfare at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Malaking bagay ang ganitong alokasyon dahil maraming pamilya ang umaasa sa mga programa ng lokal na pamahalaan upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagpapagamot, pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa ilalim ng panukalang badyet, P2.75 bilyon ang nakalaan para sa Kalusugan. Mahalaga ito sa pagpapalakas ng mga serbisyong medikal at sa pagtulong sa mga residenteng nangangailangan ng abot-kayang pangangalaga sa kalusugan.

Para naman sa edukasyon, P1.52 bilyon ang inilaan. Ang sapat na suporta sa edukasyon ay makatutulong upang mabigyan ang mga kabataan ng mas magandang pagkakataon na makapagtapos at magkaroon ng maayos na kinabukasan.

Pinakamalaki sa tatlong pangunahing prayoridad ang kaunlaran na may P2.91 bilyon. Nakatuon ito sa mga programang may kaugnayan sa pag-unlad ng lungsod at pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mamamayan.

Hindi rin dapat mapabayaan ang mga serbisyong kailangan upang mapanatili ang maayos na pamamahala, kapayapaan at kaayusan, imprastraktura at pag-unlad ng negosyo.

Para sa mga ito, nakalaan ang P3.12 bilyon sa general public services at P1.59 bilyon sa economic services.

Ayon kay Mayor Biazon, pinag-aralan at tinalakay ng mga departamento at tanggapan ng lungsod ang panukalang badyet, kasama ang konsultasyon sa mga kinauukulang sektor at pribadong katuwang.

Mahalaga ang ganitong proseso upang matukoy kung saan higit na kailangan ang pondo at kung aling mga programa ang dapat unahin. Hindi dapat basta maglaan ng malaking halaga nang walang malinaw na plano sa pagpapatupad.

Dapat ding kilalanin ang hamon sa bawat lokal na pamahalaan: hindi lahat ng pangangailangan ay kayang tugunan nang sabay-sabay.

Sabi nga, mahalaga ang tamang pagtatakda ng prayoridad at maingat na paggastos.

Aba’y sa pamumuno ni Biazon, ang hamon ay matiyak na ang mga pondong inilaan sa kalusugan, edukasyon at kabuhayan ay magbubunga ng serbisyong tunay na nararamdaman ng mga taga-Muntinlupa.

80

Related posts

Leave a Comment