MAS TRANSPARENT NA DELIBERASYON SA 2027 BUDGET, IGINIIT

ISINUSULONG ni Senador Panfilo Lacson na gawing mas malawak ang transparency sa pagtalakay sa panukalang 2027 national budget.

Sinabi ni Lacson na dapat tuloy-tuloy ang streaming kahit nakasuspinde ang deliberasyon partikular na sa bicameral conference committee o bicam.

Kasabay nito, nanawagan din si Lacson na bawasan ang mga suspensyon sa deliberasyon ng bicam, dahil maaari itong magbigay ng pagkakataon sa mga mambabatas na mag-usap nang palihim, malayo sa abot ng mga camera.

“Sa bicam naman, panay suspend. Pag suspend, bulungan sa isang corner, hindi covered ng media. So I’d like to propose sa bicam, maski suspended dapat nandiyan ang mga camera marinig ang usapan,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DWIZ.

“At dapat iwasan ang suspension, kaya nag-suspend kasi nagbubulungan. Diyan ang parang bargaining, bulung-bulungan. Kung tutuusin dapat mag-suspend lang kung call of nature, hindi para magbulungan,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na napakahalaga ng papel ng Senado sa pagbuo ng 2027 budget, at lubos na sinusuportahan ng mga senador si Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito.

Nauna nang sinabi ni Lacson na napapanahon ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng mga pambansang badyet para sa 2024 at 2025.

“Maliwanag pag grave abuse of discretion, pwedeng pumasok ang Supreme Court kasi sila nag-interpret… Kung may makitang grave abuse of discretion marapat lang, yan ang check and balance,” paliwanag ng senador.

(Dang Samson-Garcia)

83

Related posts

Leave a Comment