HINDI muna isisiwalat sa publiko ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang napag-usapan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla hinggil sa ulat na nakalabas na ng bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na itinuturong utak sa pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon kay Castro, hindi niya maaaring ibunyag ang mga detalye ng kanilang pag-uusap, gayundin ang mga operasyong isasagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang law enforcement agencies.4;[
“Sa ngayon hindi ko masasabi kung anong napag-usapan nila ng Pangulo at kung anuman ang operasyon na isasagawa ng DILG at saka iba nating mga law enforcers, ito ay isang operasyon na hindi ko maisisiwalat sa publiko,” ani Castro.
Binigyang-diin niya na kailangang maimbestigahan muna ang sinasabing pagkakalabas ni Ang ng bansa upang matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang, kung sino ang dapat managot at kung sino ang may pangunahing pananagutan.
“Tingnan po natin at sa ngayon ay dapat malaman natin, maimbestigahan kung talagang may lapses. So, may mga tao talaga na mabibilis tumakbo at hindi naman ito ang unang pagkakataon na tumakas itong si Atong Ang—noong unang nakasuhan din ito, nakaalpas din ito agad-agad,” pahayag ni Castro.
Ipinaliwanag din ng opisyal na may mga pagkakataong hindi mapipigilan ang isang tao na bumiyahe kung wala pang warrant of arrest o hold departure order na inilabas ang korte.
“Kung ikaw man ay naakusahan, may kasong pending habang iniimbestigahan, kung ikaw ay tumalilis na at nagpunta sa ibang bansa ay hindi natin masisi ang gobyerno dahil karapatan ng bawat sinuman kung wala pang warrant of arrest at wala pang hold departure order na nai-issue ang korte, hindi mo basta-basta mapipigilan ang tao dahil mayroon naman silang freedom of movement,” ayon kay Castro.
Dahil dito, sinabi niyang kailangang balansehin ang karapatan ng bawat indibidwal at ang obligasyon at responsibilidad ng mga opisyal ng pamahalaan.
“So, hindi natin masasabi na mayroon agad culprit, mayroon agad nagpabaya. So, hayaan na natin muna kung papaano ito iimbestigahan para malaman natin kung sino ba talaga ang may pagkukulang,” dagdag niya.
Nauna rito, kinumpirma ni Remulla na nakalabas na ng bansa si Ang, na itinuturong utak sa pagkawala ng ilang sabungero.
“Backdoor siya dumaan,” ani Remulla sa isang press briefing nitong Martes.
Noong Hulyo, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bineberipika pa nito ang mga ulat na nakalabas na ng bansa si Ang.
Nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping with homicide, gayundin sa kidnapping at serious illegal detention, sa mga korte sa Sta. Cruz, Laguna; Lipa, Batangas; at San Pablo, Laguna.
(CHRISTIAN DALE)
111 