GOV’T AGENCIES BINALAAN SA PAG-AALOK NG PONDO SA MGA MAMBABATAS

BINALAAN ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga ahensya ng gobyerno laban sa umano’y garapalang pag-aalok ng pondo sa mga senador, kasunod ng pagsisiwalat niya sa isang alok na P5 milyong “allocation fund” na iniugnay sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Inatasan din ni Lacson ang kanyang staff na ibigay kay TESDA Secretary Jose Francisco Benitez ang lahat ng impormasyong hawak nila tungkol sa naturang alok upang makatulong sa isinasagawang internal investigation ng ahensya.

“They didn’t know me, now they do. Huwag ganoon katapang. Ang tapang-tapang mag-offer. E tulad niyan na-offer-an mo, ayaw tumanggap, ma-expose pa ahensya n’yo, magpapaliwanag pa,” ani Lacson.

“Pangit ‘yan, siguradong pera ng gobyerno ‘yan, sa budget ‘yan, bakit mo pamimigay?” dagdag niya.

Nauna nang isiniwalat ni Lacson nitong Sabado na tinanggihan niya ang alok na P5 milyong “allocation fund” na ipinaabot sa pamamagitan ng kanyang staff sa Senado noong unang bahagi ng linggo.

Sinabi ni Lacson na hihingi siya ng paglilinaw tungkol sa insidente kapag tinalakay na sa plenaryo sa Nobyembre ang panukalang 2027 budget ng TESDA.

Kasunod ng pagsisiwalat, itinanggi ni Benitez na pinahintulutan niya ang sinuman na mag-alok ng allocation fund. Sinabi rin niyang iniutos na niya ang agarang pagsasagawa ng internal investigation.

“I instructed my staff to provide the good secretary with all available details to help their internal investigation get to the bottom of the issue,” diin ni Lacson.

Sa panayam sa DWIZ, sinabi ni Lacson na batay sa paunang impormasyong natanggap niya, ang nagpaabot ng alok ay isang babaeng nagpakilalang “Stephanie” at inilarawang liaison officer na naatasang makipag-ugnayan sa kanya.

Dahil hindi niya agad matukoy kung ang naturang “Stephanie” ay isang fixer para sa TESDA, nagpasya si Lacson na isapubliko ang insidente upang malinaw na maipabatid na tinanggihan niya ang alok.

(DANG SAMSON-GARCIA)

113

Related posts

Leave a Comment