NAGSUMITE na ng kanyang courtesy resignation si DPWH Region 1 Regional Director Ronel Tan nitong Lunes.
Si Tan na naging district engineer din sa lalawigan ng Quezon, ay asawa ni Quezon Governor at dating Quezon Congresswoman Helen Tan.
Ayon sa resignation letter na may petsang Setyembre 1, 2025, ipinahayag ni Tan na ang kanyang pagbibitiw ay bilang pagsunod sa panawagan para sa accountability, transparency at reform sa loob ng ahensya.
Nagpasalamat din siya sa tiwala na ipinagkaloob sa kanya at sa pagkakataong makapaglingkod sa sambayanang Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Naisumite ang kanyang pagbibitiw matapos niyang magbigay ng pahayag sa isang press conference noong Miyerkoles, Agosto 28, kung saan mariin niyang itinanggi na mayroong ghost projects sa Ilocos Region.
Tiniyak niya na mahigpit na ipinatutupad ang quality assurance at project inspection bago bayaran ang mga kontratista.
Ipinaliwanag ni Tan na ang mga proyekto ay sumasailalim sa serye ng inspeksyon mula sa mga division chief at Quality Assurance Unit.
Binigyang-diin din niya na ang mga pagkasira ng imprastraktura ay sanhi ng mga kalamidad gaya ng lindol at pagbabago ng topograpiya.
Aniya, mayroong limang taong warranty ang mga kontrata, kung saan ang gastos sa pagkukumpuni ay sagot ng kontratista.
Idinagdag niya na patuloy na sinasanay ang kanilang mga tauhan upang makasabay sa makabagong teknolohiya at epekto ng climate change.
Sinabi rin ni Tan na hindi lahat ng kontrobersya na kinasasangkutan ng ahensya ay sumasalamin sa kabuuan ng DPWH.
Ayon sa datos ng DPWH hanggang Agosto 27, mayroon nang 145 proyekto ang nakumpleto, 1,716 ang ongoing, at 287 ang hindi pa nasisimulan mula sa kabuuang 2,148 proyekto ngayong taon na may pondong halos P49.8 bilyon.
(NILOU DEL CARMEN)
232 