INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na tugisin ang mga puganteng nagtatago sa ibang bansa upang matiyak na mapananagot ang mga ito sa batas.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo na kumilos ang mga awtoridad alinsunod sa mga umiiral na batas.
“Kung ano ang dapat gawin ng gobyerno, kung ano ang mga nasasaad sa ating batas, gawin ang dapat gawin… iyan ang utos ng Pangulo,” ani Castro sa press briefing sa Malacañang.
Binigyang-diin ni Castro ang pangangailangan ng mabilis na pagkilos upang hindi makaiwas sa hustisya ang mga pugante.
Inaasahan din umano ng Malacañang na agad kikilos ang mga awtoridad upang matiyak na mapananagot ang mga sangkot sa mga kasong kriminal.
Nauna rito, kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nakalabas na ng bansa ang negosyanteng si Atong Ang, na itinuturong utak sa pagkawala ng ilang sabungero.
“Backdoor siya dumaan,” pahayag ni Remulla sa press briefing nitong Martes.
Noong Hulyo, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bineberipika pa nito ang mga ulat na nakalabas na ng bansa si Ang.
Nahaharap ang negosyante sa mga kasong kidnapping with homicide, gayundin sa kidnapping at serious illegal detention, sa mga korte sa Sta. Cruz, Laguna; Lipa, Batangas; at San Pablo, Laguna.
Samantala, tiniyak ni Castro sa mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na inatasan na ni Pangulong Marcos ang mga awtoridad na kumilos agad upang tugisin si Ang.
Ayon kay Castro, hindi umano mapapaso ang bisa ng warrant of arrest laban sa negosyante dahil sa bigat ng mga kasong kinakaharap nito.
(CHRISTIAN DALE)
114 