HIGIT 140K PNP PERSONNEL IDEDEPLOY SA UNDAS 2026

police

AABOT sa 140,860 personnel mula sa iba’t ibang ahensya at grupo ang inaasahang ide-deploy para matiyak ang seguridad at kaayusan sa paggunita ng Undas 2026.

Sa nasabing bilang, 72,501 ang mga pulis, 16,892 ang personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG), habang 51,467 naman ang mga police multiplier.

Sa isinagawang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson PCol. Allen Rae Co na ikakalat ang mga personnel sa mga mataong lugar, kabilang ang mga sementeryo, columbaria, terminal at mga pasyalan.

Maglalagay din ng mga police assistance desk, emergency response team at medical team sa mga sementeryo upang agad na makatugon sa pangangailangan ng publiko.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matulungan ang mga motorista na masiraan ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada.

Samantala, itataas sa full alert status ang buong hanay ng PNP simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, na maaari pang palawigin kung kinakailangan.

(TOTO NABAJA)

60

Related posts

Leave a Comment