NAGLABAS na ng arrest order ang liderato ng Kamara laban sa dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang bunsod ng paulit-ulit nitong pagbalewala sa imbitasyon na dumalo sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs.
Matapos lagdaan ni House Secretary General Reginald Velasco ang contempt order na inisyu ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, dinala na ni House Sergeant-at-Arms, retired Gen. Napoleon Taas ang arrest order sa Fortun Law Offices sa 134 CRM Avenue, BF Homes Almanza, Las Piñas City.
Ang nasabing law firm ang unang kumatawan kay Yang sa pagdinig ng nasabing komite sa 530 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 billion na nakumpiska sa isang bodega sa Mexico, Pampanga na pag-aari ng Empire 999.
Nasabit ang pangalan ni Yang sa nasabing isyu dahil konektado umano sa kanya ang ilang incorporator ng Empire 999 kaya inimbitahan ito mula noong Mayo subalit hindi ito sumisipot.
Base sa huling impormasyon na nakarating sa komite, umalis ng bansa si Yang noong May 2024 patungong Dubai at walang impormasyon kung nakabalik na ito.
“Itong arrest order na ito, we will have to provide information to the Immigration and DFA so that the DFA and our Immigration can likewise alarm other countries about the arrest order na inisyu dito sa House of Representatives,” ani Barbers.
“So that we will be able to track kung nasaan siya kasi maaaring lumipat-lipat na rin siya. So kapag may alarm, it will now provide us information kung saan nagta-travel ito because he will be using definitely his own passport,” dagdag pa nito.
Si Yang, may Chinese name na “Hong Ming Yang” ay nagsilbing economic adviser ni Duterte subalit inakusahan siya ni dating Philippine National Police (PNP) Col. Eduardo Acierto na isang Chinese drug lord na nakabase sa Davao City. (BERNARD TAGUINOD)
