OMF NAMAHAGI NG TULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG CARINA

Ang mga residente ng Barangay Tinajeros, Malabon City ay kabilang sa libo-libong benepisyaryo ng relief operations ng One Meralco Foundation.

ni Joel O. Amongo

Agarang nagsagawa ng relief operations ang One Meralco Foundation (OMF), ang corporate social responsibility arm ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga naapektuhang residente dulot ng pananalasa ng Super Typhoon Carina noong nakaraang Linggo.

Libu-libong relief packs na naglalaman ng essential goods ang ipinamahagi ng OMF sa buong Metro Manila at kalapit na mga lalawigan upang matulungan ang mga nasalanta ng bagyo.

Nag-turn over din ang OMF ng relief packs sa Pasig City Risk Reduction and Management Office (DRRMO) upang maipamahagi sa mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong.

Tumulong din sa pamamahagi ng relief goods ang OMF, kasama ang employee-volunteers mula sa Meralco Roosevelt Business Center at Meralco Rescue Team sa daan-daang pamilya ng Brgy. Sto. Domingo at Brgy. Tatalon na pansamantalang nanunuluyan sa UST-Angelicum College gymnasium dahil sa mataas na pagbaha.

Binigyan ng emergency aid ng One Meralco Foundation sa pangunguna ni OMF President Jeffrey Tarayao ang daan-daang residente ng Barangay Tatalon and Barangay Sto. Domingo sa Quezon

Kasama naman ang Meralco Cainta Business Center at ang Meralco Rescue Team, namigay ang OMF ng canned goods sa mga residenteng naapektuhan sa Brgy. Sto. Domingo sa Cainta, Rizal na kung saan ang baha ay umabot sa ikalawang palapag ng mga kabahayan.

Isa sa mga benepisyaryo ay si Onyok Sumambong na binaha at inanod ang kanyang mahahalagang gamit kasama na ang kanyang kagamitan sa trabaho bilang karpintero.

“Malaking tulong itong bigay ng One Meralco Foundation. Maraming, maraming salamat sa biyaya na bigay ninyo sa amin”, ayon pa kay Onyok.

Ang mga residente ng Barangay Sto. Domingo in Cainta Rizal ay nagpapasalamat sa relief packs na ibinigay ng One Meralco Foundation

Nakiisa rin ang OMF sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Reserve Command sa pamamahagi ng relief packs sa daan-daang pamilya na naapektuhan sa Katipunan Village sa Rodriguez, Rizal.

“Napasaya natin ang mga taga-Rodriguez lalo’t isa tayo sa mga unang nakapagpaabot ng tulong sa kanila. Salamat Meralco sa inyong tulong sa komunidad,” ayon kay BGen. Vicente M. Ronatay, Commander ng AFP Reserve Command.

Nagpasalamat si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian sa Meralco at One Meralco Foundation sa pagtulong na isagawa ang relief operations para sa Valenzuelanos.

Samantala, ang Meralco, OMF at Miescor Logistics Inc. ay nag-turn over din ng 1,000 relief packs sa ng Valenzuela City na pinangunahan ni Mayor Wes Gatchalian.

Nagdala rin ang OMF ng daan-daang relief packs sa mga residente ng Brgy. Tinajeros, Malabon City sa Brgy. Tabing Ilog sa Marilao, Bulacan.

Nagbigay ng monetary donation ang Meralco upang mas maraming kababayan pa ang matulungan at makatatanggap ng tulong.

Mamahagi pa ang OMF ng libo-libong relief packs para sa mas maraming komunidad sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

“Katuwang ang iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan, patuloy kaming tutulong sa mga naapektuhang pamilya sa pamamagitan ng pag-mobilize ng aming grupo kasama ang mga Meralco employee-volunteer na nag-aalay ng kanilang oras para sa relief operations. Sa pamamagitan ng bayanihan at pagmamalasakit, naniniwala kami na mabilis na makababangon ang ating mga kababayan mula sa nagdaang kalamidad.” pahayag naman ni One Meralco Foundation President Jeffrey O. Tarayao.

452

Related posts

Leave a Comment