TIYAK na mas palabang Sta. Lucia Lady Realtors ang mapapanood sa 2020 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix matapos nilang kunin ang serbisyo ng middle blocker na si Mika Reyes.
Ang 25-anyos na si Reyes ay five-time PSL champion at isa sa key players ng Petron Blaze Spikers. Inaasahang malaki ang maitutulong ng pagdating niya sa Sta Lucia, na hindi pa nananalo nang sumali sa liga noong 2017.
Hanggang eighth-place finish lang ang naabot ng Lady Realtors sa import-flavored conference na magsisimula sa susunod na buwan.
Isang malaking challenge naman para sa De La Salle University alum na si Reyes na matulungan ang Lady Realtors na makaabot sa semifinals, at kung susuwertehin, sa finals.
Sa official website ng team ay nagpahayag ang pamunuan nito ng kagalakan sa pagdating ng kanilang bagong player.
“Mika Reyes said Yes! Yes to taking on new challenges. Yes to a new environment. And yes to being a part of the new Sta Lucia. And with that, we officially welcome you to the Sta. Lucia family,” ayon sa post.
Muling makakasama ni Reyes sa Sta. Lucia ang dating Petron teammate niya na si Bang Pineda at dating national team member MJ Phillips.
Sa unang pagkakataon ay magiging kakampi niya rin ang dating collegiate (Ateneo) rival na si Amy Ahomiro. (EBG)
