UNGAB KAY STELLA QUIMBO: NASAAN BUDGET SA FLOOD CONTROL?

KINUWESTYON ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang mga dating chairperson ng House Committee on Appropriations na sina Zaldy Co at Stella Quimbo sa kanilang paglipat sa bilyon-bilyong halaga ng foreign-assisted flood control funds mula sa 2024 at 2025 national budgets.

Kabilang sa mga proyektong ito ay ang Pasig-Marikina Channel Improvement Project, na mahalaga upang maibsan ang paulit-ulit na pagbaha sa kamaynilaan.

Para kay Ungab, kailangang magpaliwanag sina Quimbo at Co kung saan nila dinala ang pera na para sa mga nasabing proyekto.

“The rationale for deleting or reducing these flagship projects must be explained by both Cong. Zaldy Co and Cong. Stella Quimbo,” dagdag pa niya.

Nagsilbi si Quimbo bilang kinatawan ng Marikina City 2nd District mula 2019 hanggang 2025.

Tumakbo siya bilang alkalde noong 2025 ngunit natalo. Isa rin si Quimbo sa mga nanguna sa pagbalangkas ng 2025 budget bilang Vice Chairperson ng Committee on Appropriations sa panahon ng approval process nito. Naging chairperson din siya ng komite matapos magbitiw si Co.

Naglabas din si Ungab ng mga dokumentong nagpapakita ng malalaking pagbabawas at tuluyang pagkakabura ng mga pangunahing proyektong pinondohan ng Overseas Development Assistance (ODA).

Nakalaan sa National Expenditure Program (NEP) ang ₱21.6 bilyon noong 2024 at ₱27.5 bilyon noong 2025 para sa 11 malalaking ODA projects. Subalit ang ₱21.6 bilyong alokasyon ay binawasan ng ₱5.49 bilyon sa third reading sa Kamara at kalauna’y tuluyang tinanggal sa bicameral conference kung saan isa si Quimbo sa mga miyembro. Para sa 2025, ang ₱27.5 bilyong panukala ay binawasan ng ₱18.6 bilyon sa House-approved version.

Sa huli, bahagyang umakyat ito sa ₱9.2 bilyon sa General Appropriations Act, ngunit nanatiling 67 porsyentong mas mababa kumpara sa orihinal na plano. Nilinaw ni Ungab na House Small Committee ang unang gumawa ng mga pagbabawas sa General Appropriations Bill sa third reading, habang ang mga huling adjustments sa General Appropriations Act ay ipinatupad sa Bicameral Conference Committee.

226

Related posts

Leave a Comment