NAGBABALA ang Malacañang na sasampahan ng kaso ang “malalaking personalidad” na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, nakahanda nang isumite sa Department of Justice (DOJ) ang mga dokumento laban sa mga umano’y fake news peddlers.
Kapag naisumite na, ipaaabot din umano sa Malacañang Press Corps ang listahan ng mga sangkot.
Nauna nang dumulog sa DOJ si Acting PCO Secretary Dave Gomez upang ireklamo ang isang social media page na nagpapakalat umano ng maling impormasyon.
Partikular na pinatutukan ang “Malasakit News Pilipinas” upang matukoy ang mga administrator nito.
Binigyang-diin ng Palasyo na hindi nila palalagpasin ang pagpapakalat ng mapanirang impormasyon laban sa Pangulo at sa unang pamilya.
Babala ng pamahalaan, mananagot sa batas ang sinomang mapatunayang nasa likod ng fake news.
(CHRISTIAN DALE)
99 