EDITORIAL
MARAMING damdamin ang napukaw sa isang viral na video ng asal ng mga estudyante sa pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos kamakailan. Higit sa video, mahalagang punahin kung ano ang sinasalamin nito tungkol sa uri ng lipunang ating hinuhubog.
Anoman ang pananaw sa pulitika, ang paggalang ay hindi dapat nakabatay sa kung sino ang ating sinasang-ayunan o tinututulan. Ito ay batayang asal na dapat naipakikita sa kapwa, lalo na sa mga taong may tungkulin sa pamahalaan, guro, magulang, at iba pang kinikilalang awtoridad. Ang hindi pagsang-ayon ay maaaring ipahayag, ngunit hindi kailanman dapat maging dahilan upang isantabi ang disiplina at kagandahang-asal.
Nakababahala na ang mga ganitong asal ay naipakikita ng ilang kabataan. Ang mas nakalulungkot ay tila nagiging normal na sa panahon ng social media ang pambabastos, panlalait at paghamak sa kapwa kapalit ng kasikatan, atensyon at “likes.” Unti-unting nawawala ang hangganan sa pagitan ng malayang pagpapahayag at kawalan ng respeto.
Ang kabataan ay salamin ng tahanan, paaralan at lipunang kanilang ginagalawan. Kung ang kanilang nakikita araw-araw ay pagmumura, pangungutya, poot at kawalan ng paggalang, hindi nakapagtatakang gayondin ang kanilang maisasabuhay. Ang asal ay hindi lamang itinuturo sa loob ng silid-aralan; ito ay hinuhubog ng bawat nakatatandang nagsisilbing halimbawa.
Mahalagang paalala ang panawagan ng pamahalaan na ibalik ang tamang pag-uugali. Ngunit ang responsibilidad na ito ay hindi lamang nakaatang sa gobyerno. Nasa mga magulang ang unang pagtuturo ng respeto. Nasa mga guro ang pagpapatibay ng wastong pagpapahalaga. Nasa mga pinuno at mga personalidad sa publiko ang obligasyong maging mabuting huwaran. At nasa bawat mamamayan ang pananagutan na ipakita sa araw-araw na ang pagiging magalang ay hindi kahinaan kundi tanda ng pagkatao.
Kung pababayaan nating maging karaniwan ang kabastusan at kawalan ng modo, darating ang panahong magiging normal na rin ang kawalan ng disiplina, paggalang at malasakit sa kapwa. Kapag nangyari iyon, hindi lamang ang asal ng iilang kabataan ang dapat ikabahala kundi ang kinabukasan ng buong lipunan.
Sa isang maayos na bansa, kasama sa hinuhubog ang mabuting asal, paggalang at pananagutan ng bawat mamamayan. Dahil ang tunay na pag-unlad ng isang bayan ay nasusukat hindi lamang sa ekonomiya o imprastraktura, kundi sa uri ng pagpapahalagang isinasabuhay ng mamamayan nito.
Panahon nang ibalik ang paggalang, hindi dahil may kinatatakutan tayo, kundi dahil ito ang pundasyon ng isang sibilisado, mapayapa at maayos na lipunan.
60 