BOTOHAN SA IMPEACHMENT NAPAGPASYAHAN NA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAGBOTOHAN na ang mga senador hinggil sa mainit na isyu ng conviction at acquittal sa ginaganap impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Sa nangyaring botohan kahapon, labingtatlo ang bumoto sa pagpayag na babaan ang kinakailangan na boto upang ma-convict ang nasasakdal, anim ang hindi bumoto na karamihan ay miyembro ng minorya, at isa ang tumutol sa katauhan ni Presiding officer and Judge Sen. Chiz Escudero.

At bilang pagkilala sa nasusulat sa ating saligang batas, ay hindi binago ang nakasaad dito, kung saan ay kinakailangan pa rin ng two-thirds na boto ng mga nahalal na senador upang ma-convict ang pangalawang pangulo.

Ang nabago lang ay ang bilang ng pwedeng bumoto, kung saan kinakailangan ang presensiya ng mga ito sa Senado pagdating ng araw ng botohan at gagamitin pa rin ang two-thirds rule for conviction.

At sa ilalim ng patakaran na ito ay kung dalawampung senador lang ngayon ang aktibo sa ginaganap na impeachment proceeding. Ang two-thirds ng dalawampu ay 13.33 at kapag ito ay na-roundoff ito ay magiging 14 na siyang kinakailangan na bilang para ma-convict ang bise.

Pitong boto naman ang kailangan upang ma-acquit ang ikalawang pangulo.

Bago binago ang patakarang ito, ang nakalagay sa saligang batas ay kailangan ng 16 na boto para mag-convict at 9 naman para mag-acquit.

Nilinaw rin ang ilang isyu ukol sa adoption ng panuntunan na ito, una ayon kay Sen. Escudero, ang patakaran sa pagboto ay gagamitin lang sa impeachment proceeding na ito at hindi sa mga susunod pang mga impeachment trials.

Sinabi naman ni Sen. Erwin Tulfo, ang nagbukas ng usaping ito, na maaari pa ring bumoto ang mga hindi nakadadalo sa mga pagdinig na ginaganap, tulad nila Sen. Bato Dela Rosa, Sen. Marcoleta, Sen. Jinggoy at Sen. Legarda kung makararating sila sa araw mismo ng botohan.

Kasalukuyang nakapiit ngayon sina Sen. Estrada at Marcoleta dahil sa mga kasong kinakaharap ng mga ito sa Sandiganbayan.

Samantalang nagtatago naman si Sen. Dela Rosa dahil sa warrant of arrest na galing sa ICC (International Criminal Court) at naka-medical leave pa rin si Sen. Legarda at nagpapagamot daw sa bansang France.

63

Related posts

Leave a Comment